Gina: pinaka-seksing babae sa balat ng lupa

NU’NG kanyang kasikatan, tinuring si Gina Lollobrigida na pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Pinaka-sexy rin kaya maraming tanyag na aktor at bilyonaryo ang lagpak-patay sa kanya. Nu’ng 1958 ginawan ni director Orson Welles ng black-and-white docu ang 30-anyos na si Gina. Tinambal siya sa pelikula kina Anthony Quinn, Humphrey Bogart, Frank Sinatra, Errol Flynn at Yul Brynner. Malimit siya papuntahan ni Hollywood producer Howard Hughes ng mga abogado para kumbinsihing i-diborsyo ang mister.

Sa kasikatan ng Italyanang Gina, binansagang Lollo Rosso ang uri ng letsugas na kasing-kulot ng buhok niya. Tinawag ng Dutch inventor na Gina Gasket ang malantik, tulad ng aktres, na piyesang goma sa undersea concrete­ tunnels. Dahil kay Gina, walang nasaktang Italian peace­keeping forces, ‘di tulad ng nalagasang Americans at British, nu’ng 1982-1984 Lebanon civil war. Inamin makalipas ang isang dekada ng Syrian defense minister na inutos niyang huwag salakayin ang Italians para hindi lumuha ang idolo niyang Gina.

Nang magretiro bilang aktres, nag-professional photo­graphy si Gina. Nu’ng 1975 kinontrata siya ni First Lady Imelda Marcos maglimbag ng dalawang coffee table books tungkol sa Pilipinas at Manila. Human settlements minister at Metro Manila governor noon si Imelda, tinaguriang pina­kamagandang politiko sa Asia. Halos magka-birthday sila: July 2 si Imelda, July 4 si Gina.

Inaway ni Gina ang matapang, matalino at magandang manunulat na Carmen Guerrero Nakpil, ina ni Ms. International Gemma Cruz Araneta. Gusto ni Gina baguhin ang akda ni Carmen para umakma sa mga litrato niyang hubo’t hubad na Tasaday. Giit ni Carmen na ang sibilisadong 45 milyong Pilipino ay hindi nakatira sa kuweba. Nanaig si Carmen sa kanyang text at cover design ng dalagitang T’boli na naka-costume. Sa huli nabatid ni Gina na peke pala ang Tasaday tribe.

Show comments