EDITORYAL- Daming tutol sa mandatory
ROTC maraming tumututol sa proposal na gawing mandatory sa college students ang Reserve Officers Training Corps (ROTC). Sa isang surbey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) noong Abril 3-24, lumalabas na 53 percent ng respondents ay tutol sa mandatory ROTC. Sa sinurbey na 20,461 kung saan 13, 210 ang babae at 7,251 ang lalaki, mahigpit nilang tinutulan ang ROTC. Kabilang sa mga sinurbey ay Grade 11 students (37 percent), Grade 12 (33 percent), at college undergraduates (30 percent).
Pangunahing dahilan ng pagtutol sa ROTC ay dagdag pabigat lamang ito sa kanilang pag-aaral at dagdag gastos para sa kanilang mga magulang. Dahilan din nang pagtutol sa ROTC ang karahasan at ang talamak na korapsiyon. Panghuling dahilan ay taliwas ito o laban sa kanilang relihiyon. Sabi naman ng Kabataan party-list ang mandatory ROTC ay senyales ng pagbabalik ng militarisasyon sa mga eskuwelahan. Magiging ugat din umano ng mga pang-aabuso at karahasan sa campus ang mandatory ROTC.
Tinitiyak na ang pagbabalik ng mandatory ROTC. Sabi ni Sen. Ronald dela Rosa bago matapos ang taon ay ganap na itong batas. Wala umanong tumututol sa pagbabalik ng ROTC kaya tiyak nang maaaprubahan ang panukala. Kaunting makakaliwa lamang umano ang tumututol sa pagbabalik ng ROTC. Sinabi pa ni Dela Rosa na walang magaganap na hazing, pang-aabuso at korapsiyon sa ROTC. Sagutin umano ng gobyerno ang ROTC.
Nakasaad sa panukala, hindi makaka-graduate sa kolehiyo at technical vocational courses ang mga estudyanteng lalaki at babae kapag hindi nag-ROTC. Sakop din ng panukala ang mga dayuhang estudyante at mae-exempt lamang kung may kapansanan o malubhang karamdaman. Ituturo rin umano sa ROTC ang pagmamahal sa bansa, paggalang sa karapatang pantao, pangangalaga sa environment, paghahanda at kasanayan sa pagtugon sa kalamidad at sakuna.
Inalis ang ROTC noong 2008 nang isabatas ang National Service Training Program (NSTP). Naging voluntary ang ROTC. Isa sa mga dahilan kaya binuwag ang ROTC ay dahil sa karumal-dumal na pagpatay kay UST cadet officer Mark Wilson Chua noong 2001. Mga kapwa cadet officer ang pumatay kay Chua nang ibulgar ang corruption sa UST Corps of Cadet.
Ang sinabi ni Dela Rosa na walang magaganap na hazing at pag-abuso sa pagbabalik ng ROTC ay mahirap paniwalaan. Paano makasisiguro na walang magaganap na hazing at pang-aabuso? Masusubaybayan ba lagi ang aktibidad ng mga sumasailalim sa ROTC? O kaya’y ang mga nais na maging officers ng ROTC?
Nararapat pang busisiin ang mandatory ROTC. Maraming tutol dito.
- Latest