ANG Pilipinas, marunong umunawa at maawa. Marunong tayong magbigay ng konsiderasyon kung anuman ang nararanasang sitwasyon ng isang bansa.
Hinggil ito sa isinusulong ng ilang mga matataas na opisyal ng gobyerno at ilang mga mambabatas. Kupkupin daw muna ng Pilipinas ng mga Afghan refugee na apektado ng kaguluhan sa Afghanistan.
Ang pasimuno at nasa likod ng ideyang ito, ang United States. Nire-request ng U.S. sa Pinas na dito na muna manirahan ang mga Afghan refugee at bigyan ng special immigrant status.
Kontra rito si Sen. Imee Marcos. Kinuwestyon ng senadora ang proposal ng U.S. Sa dinami-rami raw ng bansang malapit sa Afghanistan na nasa Central Asia, bakit Pilipinas ang napili nilang magkupkop sa mga Afghan refugee.
Kung tutuusin, marami naman daw ibang mga bansa na mas malapit sa Afghanistan na higit na makakatulong at tatanggap sa kanila.
Hindi naman sa nagdadamot tayo. Pero para sa pananaw ng BITAG Live at ng marami, hindi kakayanin ng ating bansa na maglagay ng mga refugee camp para sa mga dayuhan.
Hindi dahil sa natatakot tayo sa mga posibilidad ng espionage threats o pagsu-surveillance na malalagay ang bansa natin sa alanganin. Kundi dahil hindi natin alam kung saan sila ilalagay at patitirahin.
Kung dito pa nga lang sa atin, hindi pa sapat ang tulong ng gobyerno para sa mga kababayan natin na kung tawagin ay mga nasa laylayan ng pantalon, tapos aampon pa tayo ng dayuhang aalagaan at papakainin?
Akala yata ng U.S. extension tayo ng kanilang bansa. Baka akala nila teritoryo nila ang Pilipinas.
Kahit si Sen. Koko Pimental, nagtatanong. Nakakapagtaka raw na sa Pilipinas gustong patuluyin ng U.S. ang mga Afghan refugee ‘di hamak naman na mas mayaman at malawak ang nasabing bansa.
Mas mabuti kung sa mga mauunlad na bansa pansamantalang patirahin ang mga dayuhang refugee.
Kung sa Pilipinas, magiging national concern ito sa ating bansa.