HINDI ko matiyak kung sariling inisyatibo ng Social Weather Station (SWS) ang survey na nagsasabing si Vice President Sara Duterte ang gusto ng nakararaming Pilipino na maging susunod na president pagkatapos ng termino ni Presidente Bongbong Marcos. Puwede rin kasing ito ay kinomisyon ng isang interested party na gustong maging presidente si Sara. Anumang klase ng survey ito, lumilitaw na may mga political figures na pumupustura na gayung mag-iisang taon pa lang nakaupo sa Malacañang si Marcos. Isinagawa raw ang SWS survey mula Abril 15-18 ng taong ito.
Tanong ng isang kaibigan nang sabihin ko ang aking opinyon: “Ano naman ang masama sa survey?” Aba’y bad talaga iyan dahil maaga pa ay kinukondisyon na ang isip ng mamamayan kung sino ang dapat iboto sa pagka-presidente sa susunod na presidential elections. Kung tuwid ang isip ng mga nagsa-survey, hindi nila gagawin ito dahil sa mga tinuran kong dahilan. Unang-una, masyadong politically divided ang taumbayan kaya nag-aaway-away sa halip na suportahan sa mga magagandang layunin nito ang pamahalaan.
Ang problema, ginagatungan ng mga ganito’ng survey ang pagkakawatak-watak ng sambayanan imbes na mahimok ito na magkaisa para sa ikauunlad ng bansa. Kapag nasimulan ang ganyang klase ng survey, magpapa-survey na rin ang ilang ambisyosong pulitiko upang palitawin na sila ang napupusuan ng mamamayan. Nawawalan tuloy ng kredibilidad ang survey agencies. Bilang isang mamamahayag na tinubuan na ng tahid sa propesyong ito alam ko na may survey agencies na binabayaran para gumawa ng pabor na survey na para sa isang pulitiko.
Kaya nga kapag papalapit na ang eleksyon, maraming survey agencies na “never heard” ang nagsusulputan na nagbibigay ng magkakasalungat na resulta, depende sa mga pulitikong nagbabayad sa kanila. Iyan ang pulitika sa Pilipinas. Kaya ‘yung mga karapat-dapat iboto pero walang salapi para sa ganitong mga taktika ay imposibleng manalo sa eleksyon.
Para maging kapani-paniwala ang isang survey, dapat na ang gumagawa nito ay isang ahensyang may magadang reputasyon at talagang independiyente na walang kinikilingang kandidato. Pero sa tingin ko, wala nang ganito’ng klase ng survey agency. Lahat ay may political bias sa aking paniniwala. Tulad ng mga PR agencies, negosyo lang sila na gustong kumita ng pera.
Minsan, kahit religious organizations pa ang nagsa-survey, pinagdududahan na rin ang resulta dahil malaki ang posibilidad na yung gusto nilang kadidato ang kanilang itinutulak. Basta ako, hindi na naniniwala sa mga survey na iyan kahit sino pa ang gumawa. Naniniwala ako na karamihan sa taumbayan ngayon ay marunong nang magsuri at hindi na rin kagyat naniniwala sa mga mapanlinlang na surveys.