Bawas asukal at iwas sa matatamis
MAY mga pasyente akong nagtataka kung bakit hindi sila pumapayat. Kapag tinanong ko sila, ang sabi nila ay isang mangga ang nakakain nila bawat kainan. Kaya naman pala! Mataas sa asukal ang mangga.
Oo, may tulong sa ating katawan ang asukal. Binibigyan tayo ng energy. Ngunit kung sosobra ay nakatataba at puwede tayong magka-diabetes.
Alam ba ninyo ang taglay na asukal ng mga pangkaraniwang pagkain?
Basahin ang mga sumusunod:
1. Raisins 42.5 g ng Sunmaid Raisins (1/2 cup) = 7 1/2 kutsaritang asukal (120 calories).
Mas mababa sa asukal ang strawberries kumpara sa ubas, mangga at dried fruits.
2. Walong baby carrots o half cup (85 g) = 1 kutsaritang asukal (30 calories).
3. Isang malaking orange = 5 1/2 kutsaritang asukal (132 calories).
Kapag mas matamis at mas hinog, mas maraming sugar. Piliin ang mga prutas na bagong hinog lang. Huwag piliin ang mga overripe na prutas.
4. Three-fourth cup plain cereals = 1 kutsaritang asukal (120 calories).
Pero ang three-fourth cup ng frosted cereals = 3 kutsaritang asukal (120 calories).
5. Isang regular na mais = 1 1/2 kutsaritang asukal.
6. Isang ensaymada na may butter = 8 kutsaritang asukal at 5 kutsaritang butter.
Kung nagpapapayat, piliin na lang ang pandesal o monay.
7. Isang scoop ng regular ice cream = 5 1/2 kutsaritang asukal (240 calories).
Pero ang 1 cup unsweetened 6 oz yogurt = 3 1/2 kutsaritang asukal (100 calories).
Mas masustansya ang yogurt kaysa sa ice cream.
8. Isang coffee drink with whip cream (16 oz grande) = 12 kutsaritang asukal (380 calories).
At pagdating sa mga inumin na may whip cream, ice cream at tsokolate, sadyang mataas iyan sa asukal. Pero, okay lang naman kung ika’y payat at gusto mong magpataba. Ngunit kung ika’y diabetic at gustong pumayat, piliin ang mga pagkaing mababa sa asukal. Mas healthy ang asukal ng prutas na kung tawagin ay fructose, kumpara sa white sugar. Maging maingat sa mga nakatagong asukal sa ating pagkain.
- Latest