EDITORYAL - Bigo ang kampanya sa plastic na basura
Kung hindi mapipigilan ang pagtatapon ng mga plastic na basura sa mga estero, kanal, sapa at iba pang daluyan ng tubig, malaking problema sa baha ang kahaharapin pa ng taga-Metro Manila sa hinaharap. Numero unong dahilan ng baha sa Metro Manila ay dahil sa mga baradong drainages. Nakaharang sa drainage ang mga single-use plastics. Maraming taon ang bibilangin bago tuluyang mawala ang bara. Hindi natutunaw ang mga plastic. Kahit magsagawa pa ng paglilinis ang Metro Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways sa mga imburnal, balewala rin sapagkat pagtalikod nila, magtatapon na naman ang mga walang disiplinang mamamayan, partikular na ang mga informal settlers. Tapon lang sila nang tapon ng basura at walang pakialam kung magbaha man sa MM.
Inamin mismo ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga noong Lunes na bigo ang pamahalaan sa pakikipaglaban sa single-use plastics. Sa halip na kumonti ang basurang plastic, lalo pang dumami. Ayon kay Yulo-Loyzaga, ang mga basurang plastic ay umabot na sa 61,000 metrikong tonelada araw-araw mula sa dating 16,000 metric tons noong 2016. Ayon sa DENR-Environmental Management Bureau data, 12 porsiyento o 7,090 metrikong tonelada ng kabuuang basura na nakokolekta araw-araw ay plastic.
Sabi pa ng DENR Secretary kailangan umanong magsagawa ng mga pananaliksik kung anong bagay o produkto ang nararapat ipapalit sa single-use plastics. Kung hindi raw gagawin ito, hindi mawawala ang single-use plastics. Magpapatuloy ang pagdami ng mga basurang ito na banta sa buhay ng tao at sa kalikasan.
Tama naman na dapat magsaliksik ng bagay na ipapalit sa plastic pero dapat magkaroon din nang mahigpit na pagpapatupad sa pagtatapon ng basurang plastic. Kung hindi magkakaroon ng paghihigpit sa pagtatapon ng single-use plastic, hindi na magkakaroon ng kalutasan ang problema sa basurang ito.
May mga ordinansa ang bawat bayan at lungsod na mahigpit na nagbabawal sa pagtatapon ng basurang plastic pero hindi naipatutupad. Kung kulang sa pagpapatupad ng batas, hindi talaga magtatagumpay sa laban sa single-use plastic. Patuloy ang pagdami hanggang sa mapuno ng plastic waste ang MM.
- Latest