Bagong sasakyan, biglang lumiyab, car dealer ayaw palitan

Hinggil ito sa reklamo at sumbong na inilapit kamakailan sa #ipaBITAGmo.

Paglilinaw. Hindi anti-business ang BITAG. Tulad ng lagi kong sinasabi, nirerespeto namin ang bawat negosyo, esta­blisimyento o korporasyon dahil may reponsibilidad sila sa lipunan at sa merkado.

Subalit, kapag inireklamo sa amin ang anumang esta­blisimyento, mag-iimbestiga kami. Kukunin namin ang dalawang panig para maging patas at mabigyang-linaw ang isyu.

Tulad ng inilapit sa amin ng isang construction manager­. Kabagu-bagong Isuzu D-Max RZ4E pick-up truck biglang lumiyab. Nangyari ito sa San Carlos, Negros, Oriental.

Alas nuwebe ng gabi ipinarada ang sasakyan. Alas dos ng madaling araw biglang nasunog.

Kita sa CCTV, walang lumapit na tao. Nakaparada lang sa parking lot, wala ring tao sa loob, nakapatay ang makina at maulan-ulan din daw ang panahon noon.

Walang pinakialaman sa makina, walang nilagay na mga kolorete o accessories at wala ring binago sa makina ng sasakyan.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, malinaw na nakasulat, nagmula ang sunog sa makina ng sasakyan dahil sa fuel leakage.

Agad itong inilapit ng nagrereklamong construction manager sa Isuzu Quezon Avenue, Quezon City. Gusto ng bumili, palitan na lang ng bagong unit dahil dalawang buwan pa lang noon ang sasakyan mula nang inilabas sa casa.

Pero ang pamunuan daw ng Isuzu Philippines Corporation (IPC) tumangging palitan ang sasakyan. Hindi raw ito saklaw ng kanilang warranty.

Naglabas din ng pahayag, sa pamamagitan ng sulat­ ang IPC. Wala raw kaugnayan sa kalidad ng kanilang pro­dukto ang nangyaring sunog. Bukod dito, ang nasabing sasakyan ay sumailalim daw sa Periodic Maintenance Servicing (PMS) at nagpa-change oil sa hindi awtorisadong service dealer.

Halos isang taon daw natengga sa Isuzu ang reklamong ito ng pobre. Mistulang mga bulag, pipi at bingi raw sila sa IPC. Kung hindi pa siya nagpa-BITAG, hindi pa raw sasagot sa kanya. Susmaryosep!

Huwag na nating gawing kumplikado. Lahat nang bagay may dahilan. Hindi basta-basta na lang liliyab ang isang sasakyan, nasunog at bigla na lang nangyari ang spontaneous combustion.

Inuulit ko, hindi kami anti-business. Importante na malaman ng publiko ang karapatan ng manufacturer at ang karapatan ng mamimili para lahat tayo natututo.

Nakatutok ang BITAG sa kasong ito.

Show comments