Tatlong dahilan sa pag-atras ng witness
SINUHULAN, tinakot o nakonsensya ang testigo dahil pinilit lang na sumaksi laban sa isang akusado. Iyan ang mga nangungunang rason kung bakit maaaring magpalit ng testimonya ang isang testigo. Suriin muna nati’ng isa-isa ang mga dahilang ito.
Sa kaso ng panunuhol, ang makagagawa lang nito ay yaong mga may impluwensiya at limpak-limpak na salapi na kahit guilty ay puwede’ng gamitin ang power of money. Gayun din naman, ang mga puwedeng manakot ay ‘yung mga kilalang nag-aalaga ng mga goons at malalakas na sandata.
At bakit naman umaatras ang testigo dahil sa utos ng konsensya? Maaaring pinuwersa lamang siya ng mga kalaban ng inaakusahan na tumestigo para siraan ang isang wala namang pagkakasala. Kailangan din na ang isang inaakusahan ay may mabuting reputasyon sa lipunan.
Bago natin ilapat ang alinman sa mga tinukoy nating dahilan, dapat suriin ang pagkatao ng isang inaakusahan sa krimen. Siya ba ay may reputasyon bilang war lord na nag-aalaga ng mga goons? Saan “swak” si Rep. Arnolfo Teves sa mga tinuran nating dahilan? Your guess is s good as mine. Balikan na lang natin ang back issues ng mga pahayagan tungkol sa nagtatagong Mambabatas at alamin natin ang mga balita bago pa man ang pamamaslang kay Negros Oriental Roel Degamo. Diyan ay mahihinuha natin ang pagkatao ng naturang Kongresista.
Nagsiatrasan ang maraming witness laban kay Teves na itinuturong mastermind sa papatay kay Degamo dahil sinuhulan umano ng tig-P8 milyon. Iyan ang sinabi ni Justice Sec. Boying Remulla batay sa aniya’y mapananaligang impormasyon. Isang bagay itong pinabulaanan ni Teves sa kanyang FB page. “Imahinasyon” lang daw ito ni Remulla. Natural lang na mag-deny si Teves pero walang bigat ang pagpapabulaan niya dahil self-serving.
Maski papaano, mayroon din namang kakampi kay Teves lalo na yung mga nakikinabang sa kanya. Pero sa pangkalahatan, ang simpatiya ng taumbayan ay pumapabor sa pinatay na governor. Kasi naman, patuloy siyang nagtatago sa ibang bansa at nagpupumilit magkaroon ng political asylum, imbes na harapin ang kanyang mga asunto at linisin ang kanyang pangalan. Para sa akin, malamang na guilty ang natatago sa batas.
- Latest