EDITORYAL - Tiyaking naayudahan lahat mga biktima ng oil spill

Malaking perwisyo ang naidulot ng oil spill sa Oriental Mindoro na kagagawan ng MT Princess Empress. Maraming nawalan ng hanapbuhay na kara­mihan ay mga mangingisda. Problema nila kung saan kukunin ang kakainin sa araw-araw lalo’t hanggang nga­yon ay hindi pa inaalis ang fishing ban sa maraming bayan. Problema nilang malaki kung paano mapag-aaral ang kanilang mga anak. Bukod sa kabuhayang naperwisyo ng oil spill, grabe ring nasira ang kapaligiran sa maraming bayan ng Oriental Mindoro na kinabibilangan ng Naujan, Pola, Pinamalayan at Gloria. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa pinapayagang makapangisda ang mga mangingisda sa mga nasabing bayan.

Lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023 sa Naujan Mahigit 800,000 litro ng industrial fuel oil ang karga ng Mt Princess Empress. Tumagas­ ang langis at grabeng naapektuhan ang bayan ng Pola na katabing bayan ng Naujan, Nasira ang magagandang tanawin  sa mga beach ng Pola makaraang makulapulan ng langis. Ang mga luntiang bakawan na pang-akit ng Pola ay nasira at matagal pa bago makarekober.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin umano ang pagtagas ng langis at walang nakakaalam kung kailan titigil ang pagtagas. Sabi ni Pola Mayor Jennifer Cruz wala umanong ipinadadalang tulong ang may-ari nang lumubog na tanker sa kanila. Kaya umaapela siya ng ayuda para sa kanyang mga kababayan na naapektuhan ng oil spill. Hindi pa pinapayagang makapangisda ang mga taga-Pola.

Noong isang araw, namahagi na ang Department of Social welfare and Development (DSWD) ng cash aid sa 14,291 mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro. Umabot sa P127 milyong cash aid ang pinamahagi ng DSWD sa mga mangingisda. Ipinamahagi ang cash aid sa mga mangingisda ng Pola, Naujan, Pinamalayan, Gloria, Baco, Bansud, Bongabong, Bulalacao, Mansalay, Roxas, San Teodoro at Calapan City.

Noong nakaraang buwan, namahagi ng food package ang DSWD sa mga apektadong mangingisda subalit nireklamo ng mga benepisyaryo na ang mga delatang ipinamahagi ay hindi angkop kainin. Agarang inalis ng DSWD ang kompanyang pinanggalingan ng sardinas at pinalitan ito.

Ang mabilis na aksiyon ng DSWD sa mga biktima ng oil spill ay nararapat lalo’t walang pagkukunan ang mga biktima. Siguruhin naman ng DSWD na mapagka­kalooban lahat ng ayudang cash ang mga kawawang ma­ngingisda. Sa nakaraang Duterte administration, nag­karon ng problema sa pamamahagi ng ayuda, kung saan marami ang hindi nakatanggap. Mas maraming mga alipores ng barangay chairman ang nakatanggap ng pera kaysa sa lehitimong benepisyaryo.

Show comments