EDITORYAL - Kailan bubuwagin ang POGOs?
Maraming mambabatas ang tumututol sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Gusto na nilang buwagin na ito sapagkat wala namang naitutulong sa bansa at sa halip perwisyo pa dahil sa pagdami ng krimen na kaugnay dito. Sangkot ang POGOs sa pagdami ng kidnapping at mga pagpatay sa bansa mula nang mag-operate sa bansa noong 2017. Hanggang ngayon patuloy ang mga kidnapping sa mga Chinese at saka ipatutubos ng ransom. Mga kapwa Chinese rin ang suspect. Kapag hindi natubos, papatayin ang biktima.
Ang bagong modus ngayon ay ginagawa nang legal cover ang POGOs para sa cryptocurrency scam at human trafficking operation. Ang paglubha ng problema ukol sa human trafficking at cryptocurrency ang nag-udyok sa Senado na imbestigahan ito. Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, ginagamit na legal cover ang POGO para sa cryptocurrency scam at human trafficking operation sa Sun Valley Hub Corporation sa Clark, Pampanga. Ayon kay Hontiveros, ang scam ay ino-operate ng Colorful and Leaf Group, sublessee ng GCC Technologies, Inc., isang kompanya ng POGO. Ayon kay Hontiveros, kinumpirma ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa pagdinig ng Senate Committee on Women nitong Martes na ginagamit ang mga POGO para manlinlang ng mga tao.
Noong Mayo 4, sinalakay ng mga awtoridad ang Sun Valley Hub at nadakip ang 12 katao na namamahala sa operasyon. Karamihan sa mga biktima ng human trafficking ay mga dayuhan mula sa Indonesia, Vietnam, China, Myanmar, at Thailand. Mahigit 1,000 biktima ng human trafficking ang inaayos na ang papeles para makauwi sa kani-kanilang mga bansa.
Habang parami nang parami ang mga krimen na idinudulot ng POGOs, wala namang pagkilos ang pamahalaan para itigil na ang operasyon nito. Nakapagtataka na wala namang naidudulot na maganda sa bansa ang POGOs ay kung bakit ayaw pang alisin.
Hindi nagdudulot sa pagganda ng ekonomiya ng bansa ang POGOs sapagkat marami sa mga ito ang hindi nagbabayad ng buwis. Sa mga bansa sa Asya, tanging ang Pilipinas ang may POGO. Isinuka na ito sa Malaysia at Singapore. Maski sa China ay wala rin nito sapagkat bawal doon ang sugal.
Noong Enero, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na naghahanap pa raw siya nang magandang dahilan para ipatigil ang POGOs sa bansa. Ang mga nangyayaring krimen daw ay kagagawan ng illegal POGOs.
Dapat pa bang maghanap nang magandang dahilan? Nakikita na ang mga dahilan para hindi na palawigin ang operasyon ng POGOs. Maghihintay pa ba ng mga mabibigat at malalagim na dahilan para itigil ang operasyon? Ihinto na ang POGOs para maging matiwasay ang bansa.
- Latest