Pagdiriwang ng mga nanay para sa mga nanay!
Ang buwan ng Mayo ay pagdiriwang para sa lahat ng mga nanay! Binibigyang-parangal natin ang kanilang buhay at pagmamahal na buong-puso nilang inaalay sa kanilang anak at pamilya. Masuwerte ako sa aking magaganda at sweet na tres marias – si Fiana, Fiona, at Fae na ginawang espesyal ang aking Mother’s Day celebration gamit ang mga regalong gawa nilang may kasama pang handwritten notes. Acts of Service kasi ang aking Language of Love.
Mapalad din akong mabigyan ng pagkakataong makilala at makausap ang iba’t-ibang mga nanay mula sa iba’t-ibang komunidad na nagbahagi ng kanilang karanasan bilang pagdiriwang ng mother’s month. Bilang isa ring ina, naka-rerelate ako sa mga pagsubok at tagumpay na dinaranas ng mga nanay. Kaya nang maimbitahan akong maging parte ng dalawang event para sa mga nanay, talagang naexcite ako dahil isa itong pagkakataon para maibahagi ko rin ang aking kuwento bilang isang ina.
Pagtutulungan ng mga ina
Kakaiba ko ipinagdiwang ang mother’s month ngayong taon dahil nagsama-sama kaming mga nanay sa Araneta City.
Inimbitahan ako ng Filipina HomeBased Moms – isang online community ng mga nanay na nagtutulungang makahanap ng trabahong pasok sa kanilang pamumuhay. Isang karangalan na makasama ang mga nanay na handang ibigay ang lahat para sa kanilang mga anak. Kasama ang iba pang miyembro ng FH moms, nagkuwentuhan kami ng kanilang founder na si MK Bertulfo.
Ibinahagi ko ang journey ko bilang isang ina – mula sa paghahanap sa tamang katuwang sa buhay, pagkakaroon ng tatlong mga anak, at pagbabalanse ng trabaho ko bilang mamamahayag at bilang isang nanay. Isa sa pinakaimportante kong ibinahagi sa kanila ay ang mahalin ang ating mga sarili. Dapat din nating alagaan ang ating sarili, katulad ng pag-aaruga natin sa ating mga anak. Dapat ding tandaan na hindi uubrang tayo’y maging “supermoms.” Sapat nang maging isang matapang na inang handang protektahan ang kanyang pamilya, at isang inang handang damayan ang kanyang mga anak sa bawat pagsubok.
Mga nanay na sumusuporta sa iba pang nanay
Enjoy din akong dumalo sa mother’s month caravan ng Brgy. Holy Spirit sa Quezon City. Alagang-alaga ang mga nanay dahil sa iba’t-ibang activity na inihanda ng barangay officials, sa pangunguna ni Councilor Dave, ang kanyang nanay na si Star, at ang kanyang amang si Undersecretary Chito Valmocina.
Iba’t-bang serbisyo mula sa gobyerno at private sector ang inihanda para rito. May beauty services gaya ng libreng gupit, facial, eyebrow shaping, at detox. Ang iba ay sumali rin sa pa-Zumba, habang ang iba ay nakinig at natuto sa mga livelihood program, katulad ng paggawa ng kutsinta at mga bag gamit ang recyclable materials.
Siyempre, bukod sa pampabeauty at exciting activities, hinikayat din ng mga opisyal ng Barangay Holy Spirit ang mga ina na maging mabuting mamamayan. Dinala nila sa Barangay ang government services gaya ng pag register para sa QC government ID at National ID.
Para rin makatulong sa mga nanay, gumawa ako ng sarili kong pa-giveaway sa Facebook live, JingsGiving: Mother’s Month Edition, kung saan nakipag partner ako sa iba’t-ibang brands para mamigay ng mga produkto at services na magpapasaya sa kanila! May mga libreng damit galling sa ATE By Tatah, baby products mula sa Ogalala World, libreng ultrasound galling sa Dok Sharon Birthplace Ultrasound Clinic, at libreng facial gift certificates mula sa YSA Aesthetics and Wellness Center. Hindi na rin problema ang delivery fees, salamat sa Entrego, na ating logistics partner. Lahat ng ito ay para maiparamdam sa mga nanay na extra special sila ngayong Mother’s Month!
Pagmamahal ng nanay para sa nanay
Iba’t-iba man ang ating pinagdaanan, pinagbubuklod tayong mga ina ng ating pagmamahal para sa ating anak at pamilya. Ang pagmamahal na ito ay walang katulad -- pagmamahal na nagpapatawad, at sumusuporta. Ang pagiging ina ay hindi natatapos sa pagdadalang-tao at pagpapalaki sa ating mga anak. Kahit may kinahaharap na hamon, nananatili tayong ilaw ng tahanang patuloy na nagbibigay sandigan at pagmamahal sa ating pamilya.
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa [email protected].
- Latest