Editoryal — Kandidato sa bgy elections magkusang magpa-drug test
HINDI requirement ang pagpapa-drug test sa mga kakandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na gaganapin sa Oktubre.
Boluntaryo ito at nasa kandidato na kung sasailalim sila sa drug test. Sabi rin ni DILG Sec. Benhur Abalos wala raw makakapilit sa mga kandidato kung ayaw nilang magpa-drug test. Kagustuhan lang daw ito kung ibig magpakita ng negative drug testing certificate.
Sa nakaraang 2022 national elections, may mga kandidatong nagkusa na magpa-drug test. May mga kandidato para sa senador na nagpakita ng kanilang drug testing certificate. Mayroon ding mga tumakbo sa local positions na nagpresenta ng kanilang negative drug test. Nagboluntaryo na sila para mapawi ang agam-agam na may mga kandidatong lulong sa bawal na droga.
Ang ganitong pagboluntaryo ng mga kandidato sa nakaraang national elections ay dapat gayahin din ng mga tatakbo sa barangay at SK eletions. Magboluntaryo na sila upang malaman ng taumbayan na sila ay “malinis sa droga”. Mas makakaakit pa sila ng simpatya sa mga residente kung magkukusa at maaaring ito pa ang maging dahilan para sila manalo sa election.
Laganap ang illegal na droga sa bansa at maraming barangay ang sinasabing pugad ng illegal na droga. Sa mga mahihirap na barangay karaniwang naglulungga ang mga drug pushers. Ayon sa Philippine National Police (PNP) mayroon na silang listahan ng mga barangay na laganap ang bentahan ng droga at may mga barangay officials na sangkot dito. Nakatutok na umano ang PNP sa mga barangay na nakikikutsaba ang mga opisyal sa mga sindikato ng droga. Sabi rin ng PNP, babantayan nila ang pagbaha ng drug money sa nalalapit na election.
Magkusa na ang mga kandidato na magpa-drug test. Mahalaga ito para masiguro na ang mga ihahalal na opisyal ng barangay ay walang bahid na droga ang pagkatao. Nasa mabuting kamay ang mga residente ng barangay kung ang mga opisyal ay matitino at pawang kabutihan ng kanilang nasasakupan ang nasasaisip. Maging halimbawa sana ang mga tatakbo sa barangay at SK elcctions.
- Latest