EDITORYAL - Siguruhing mahihirap ang makatatanggap ng food stamp

Maganda ang balak ng pamahalaan na food stamp program. Bawat mahihirap na pamilya ay ma­ka­katanggap ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 at ito ay ipapalit nila sa mga accredited na tindahan o outlet na pinahihintulutan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Mas mabilis ang pagbibigay ng food stamp at sinisigurong makikinabang ang mga pamilya na maliit ang kinikita. Malaking tulong ang P3,000 na pambili ng pagkain. Ang maganda ay hindi pera ang hahawakan ng mga benepisyaryo para ipambili ng pagkain. Ma­laking problema kung pera dahil sa halip na ibili ng pagkain ay baka ipangsugal pa. Kawawa naman ang pamilya.

Ngayong food stamp na ang sistema, nakasisigu­rong pagkain talaga ang iuuwi sa pamilya. Malaking bagay ang halagang P3,000 para sa pagkain. Mara­ming miyembro ng pamilya ang mabubusog ng hala­gang ito.

Ayon sa DSWD, balak nilang simulan ang pama­mahagi ng food stamp sa Hulyo. Sabi ni President Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng “food stamps” ay malaking tulong para sa mga mahihirap na Pilipino. Maraming makikinabang. Ang programang ito ay naging epektibo umano sa ibang bansa. Ayon sa report, ang programa ay suportado ng Asian Deve­lopment Bank (ADB) at nagbigay na ito ng $3 mil­yon para sa anim na buwang pilot run ng programa. Tini­tiyak na magiging matagumpay ang food stamp prog­ram sapagkat tiniyak ng ADB ang suporta hindi lamang para sa pagkain kundi sa iba pang programa.

Mahalaga ang food stamp program lalo pa’t sa panahong ito ay marami pa ring Pinoy ang naghihirap dahil sa paglaganap ng pandemya. Maraming nawalan ng trabaho at ang iba ay walang pinagkakakitaan.

Sa pag-arangkada ng food stamp program, tiyakin sana ng DSWD na lahat ay mabibigyan o mapagka­ka­looban. Sa mga nakaraang pagbibigay ng ayuda ng pamahalan—sa panahon ng Duterte administration­, may mga barangay chairman na kinukurakot ang ayuda. Marami ang hindi nakatanggap. Natuklasang mga kaanak, kasambahay at kaibigan ng barangay chairman ang nasa listahan ay inunang binigyan ng ayuda.

Sana hindi na maulit ang pangyayaring iyon sa kasalukuyang administrasyon.

Show comments