Ang hurricane Mawar ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Guam, isang teritoryo ng U.S., sa nagdaang ilang dekada. Maraming pinsalang idinulot ito bagamat walang naitalang namatay, salamat sa Diyos. Itinuturing ang bagyong ito na super-typhoon. Kapag kinategoryang “super” nakababahala iyan. Tiniyak naman ng Malacañang na nakalatag na ang mga contingency measure upang mabawasan ang masamang epekto nito sakaling mag-landfall sa Pilipinas.
Sa paglabas ng bagyo sa Guam, iniulat na patuloy itong lumalakas at nananatili bilang super-typhoon at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon sa PAGASA, ang lakas ng bagyo ay tinataya sa 215 kilomentro bawat oras. Super talaga iyan. Kaya umaasa lang tayo sa sinabi ng pamahalaan na nakalatag na ang lahat ng makinarya nito upang maibsan ang epekto ng bagyo. But of course, ilakip natin diyan ang personal nating pag-iingat.
Ang hirap sa mga super-bagyo, hindi lang pinsala sa buhay at ari-arian ang idinudulot sa bansa kundi kontrobersiya sa paggastos ng gobyerno sa pondong nakalaan sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta. Sariwa pa sa aking isip ang bagyong Yolanda noong 2013 sa panahon ni PNoy. Kinuwestiyon ang mga ipinatayong housing para sa mga nawalan ng tahanan bunga ng storm surge dahil sa masamang kalidad ng mga ito.
Naging napakalaking political issue rin nang sabihin ni dating DILG Sec. Mar Roxas sa mayor ng Tacloban City noon na si Alfred Romualdez: “Remember, you are a Romualdez, and the President is Aquino.” Ito’y kaugnay ng reklamo ng mayor na tila napapabayaan sa relief and rehabilitation ang kanyang lungsod. Sana ay maglaho na ang ganitong mga isyu na nagaganap sa gitna nang malaking pinsalang dulot ng kalamidad.
Kapag pinapasok ng pulitika ang ganitong sitwasyon, nawawalan ng totoong pagmamalasakit ang mga opisyal ng pamahalaan. Sa halip na hangaring masaklolohan at tulungan ang mga apektadong mamamayan ay inuuna pa ang kani-kanilang political interest. Ano ang katuturan ng pagtulong kung ang inaabangang kapalit ay political support mula sa mamamayang tinulungan?
Dapat isipin ng mga halal na opisyal na sila’y ibinoto para paglingkuran ang mga mamamayan at hindi para magkaroon ng kapangyariha’ng animo’y hari sila. Kung sila man ay nakatulong, hindi ito dahilan para ituring silang panginoon ng taumbayan. Iyan ay bahagi ng kanilang sinumpaang tungkulin sa harap ng mamamayan. Sabi nga ni yumaong Presidente Noynoy, “Kayo ang boss ko.”
Higit sa lahat, Idalangin natin sa Panginoong Diyos na huwag na sanang magtala ang paparating na bagyo ng maramihang pagkawasak ng mga ari-arian at pagkamatay ng mga tao. Habang isinusulat ko ang kolum na ito, tinataya na papasok sa PAR si Manwar na tatawagin nating “Betty” kagabi, o maaari ring ngayong umaga. Sa mga posibleng daanan ng bagyo, ingat na lang po tayo.