Nu’ng 1852 nabahura ang HMS Birkenhead na nagbibiyahe ng mga sundalo patungong South Africa. Tahimik nagtipon ang mga lalaki sa hulihan ng barko, habang ang mga lulang babae at bata ay isinakay sa kaisa-isang lifeboat. Mahigit 440 lalaki ang nalunod, nadaganan o kinain ng pating. Mula nu’n naging unwritten code ang “Birkenhead drill” sa pandaragat. Anang isang peryodista, natural lang na unahin iligtas ang mga babae at bata sa sakuna dahil mahina sila at walang kalaban-laban.
Mas malalim ang dahilan para tiyaking mabuhay ang babae’t bata. Ito’y ang instinct ng tao na ituloy ang lahi. Katibayan nito ang trahedya ng Titanic nu’ng 1912. Maraming nabiyudang misis ay nakapag-asawang muli at nagkaanak. Humayo’t nagparami ang mga dalagang naisalba.
May katibayan ito sa sinaunang panahon. Iisa ang kuwento ni Noah at ang Delubyo sa Bibliya, Koran, Torah at alamat ng India, China, Babylon, Sumeria, Toltec, Aztec at Inca. Pinarusahan ng Diyos ang makasalanang sibilisasyon. Pero inatasan si Noah na isama sa Arko ang tatlong anak na lalaki at mga misis nilang apat. Ipinasakay ang pares ng lahat ng hayop. Paghupa ng baha, sumibol muli ang sangkatauhan.
May mga amasona sa bawat lahi. Dinakila sila sa ancient Greece. Ehemplo rin sina Gabriela Silang kontra Kastila, mga Mora kontra Amerikano, at mga babaing Vietcong nu’ng dekada-70. Pero lalaki kalimitan ang isinasabak sa giyera. Kinukubli ang mga babae’t bata para matuloy mabuhay ang lipunan maski malipol lahat ang mga sundalo.
May katibayan din sa modernong agham. Mula sa ina minamana ng bata ang karamihan ng katangiang pisikal at ugali. Sa genetics, ito’y dahil sa chromosomes. Ang sex chromosomes ng babae (ina) ay “XX”, ang sa lalaki ay “XY”. Bawat tao ay may 23 pares ng chromosomes o 46 lahat, sa katawan. Bawat chromosome ay binubuo ng libu-libong genes. Kung maubos ang babae, patay na ang lahi. Dahil sa genes at chromosomes, nagkakaroon ng ari ng lalaki at babae. Hindi nabubuntis ang lalaki.