Itigil na ang circus! Sibakin na!
KUNG ako ang masusunod, itigil na ang circus diyan sa Kongreso!
Nakakainis na. Hindi na nakakatuwa ang pinaggagawa ng kontrobersiyal na kongresman na si Arnie Teves.
Ang taumbayan, nabubuwisit na rin.
Humingi siya ng asylum sa Timor-Leste. Ibig sabihin, ayaw niya nang bumalik sa Pilipinas. Mabuti naman at ni-reject ang kanyang aplikasyon sa asylum.
Pinaglalaruan na ni Teves ang Philippine Congress. Wala na siyang tiwala sa apat na haligi ng ating gobyerno — ang hudikatura, ehekutibo, lehislatura na kanyang nirerepresenta maging ang media.
Tutal natapos na kahapon ang 60-day suspension sa kanya, dapat ang susunod na hakbang ng Kongreso, sibakin na!
Tigilan na ang mahabang seremonya na walang katorya-torya.
Ang pagsususpinde o pagsisibak sa sinumang miyembro ng Kongreso ay para maprotektahan ang integridad at dignidad ng institusyon.
Ginawa ang Kongreso “for the people, by the people, of the people”. Sabi nga ng Korte Suprema public office is public trust.
Ang ipinagtataka ko, parang alanganin ‘ata ang Department of Justice (DOJ). Hindi kaya? Kaya nagkakalintek-lintek?
Antagal-tagal na nilang ibinandera sa media lahat ng mga nahuli nilang witness daw pero hindi nila maiugnay si Teves na nasa likod ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Ruel Degamo.
Kapag naugnay kasi si Teves sa krimen, puwede nang mag-isyu ng arrest warrant ang DOJ laban sa kanya.
Ultimo ‘yung kanyang kapatid na dating gobernador, buwisit na rin sa kanya. Pinauuwi na siya pero tigas-ulo talaga nitong si Arnie. Ayaw pa ring umuwi.
Inaasahan ng taumbayan na sisibakin na ng Kongreso si Teves para mawala na ang kanilang agam-agam na baka may katsokaran at kakutsaba siyang mga kongresista.
Uulitin ko, nagiging katawa-tawa na ang Kongreso simula sa Speaker of the House hanggang sa Ethics Committee. Nalalagay na sa alanganin ang integridad at dignidad ng institusyon.
Kaya dapat gawin na ang pagdidisiplina! Sampolan n’yo na, wala nang maraming satsat!
- Latest