Problema ni Acorda sa mga pakialamerong pulitiko
PANGUNAHING pagtutuunan ni PNP chief Benjamin Acorda Jr, ang pagpapababa ng krimen sa buong bansa. Magiging makatotohanan lamang ito kung susuportahan siya ng local government units (LGUs).
Sa tingin ko, mahihirapan si Acorda na maisulong ang kanyang programa kung patuloy pa rin na umiiral ang pakikialam ng mga pulitiko sa pagtatalaga niya ng mga police chief.
Ang nais ng mga pakialamerong pulitiko ay mga bata nila ang mailuklok sa puwesto lalo na sa lugar nila upang madaling magamit ang mga ito sa kanilang political ambition.
Matagal na itong umiiral sa PNP. Kung sa mga bagong pulis na umaaplay pa lang, nangyayari na ito, sa mga opisyal pa kaya? Kaya kadalasan kahit na mahinang klase ng opisyal ng pulis basta may rekomendasyon ang pulitiko tiyak na makakakuha ng magandang puwesto sa PNP.
Samantala, sa Senate hearing kaugnay sa 990 kilos na shabu na nakumpiska kay dating SSgt. Rodolfo Mayo noong nakaraang taon, na-high blood ang mga senador gaya ni Sen. Bato de la Rosa dahil sa tingin niya ay niloloko siya na mga pulis na miyembro ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG).
Sabi ni Bato, nagsisinungaling at may pinagtatakpan ang mga pulis. Inuubos daw ang kanilang oras sabi ni Bato.
Isa ito sa mga problemang iniwanan ni dating PNP chief Gen. Rodolfo Azurin kaya nais ni General Acorda na magkaroon ng internal cleansing. Subalit mukhang hindi magagawa ni Acorda ang plano niya dahil sa kaliwa’t kanang tawag mula sa mga pulitiko kaugnay sa pagtatalaga niya ng mga bagong chief of police.
Mahirap ang kalagayan ni Acorda. Paano kaya ang gagawin ni Acorda sa mga pakialamerong pulitiko na gustong maipuwesto ang kanilang mga bata?
- Latest