Grabe ang pagkaulyanin ng tiyo kong abogado’t negosyante. Hindi na maalala na dati siyang pinuno ng Lions at Rotary Clubs. Nakakalimutan kung saan sa mall ipinarada ang kotse niya. Minsan nagtraysikel pauwi, iniwan ang sasakyan at misis sa party. Nilunasan ng doctor ang dementia. Pinakain siya ng puro makolesterol: balut, bulalo, utak ng baka. Makalipas ang dalawang buwan, bumalik ang dating talas ng isip niya. Naging matatas muli magtalumpati sa publiko.
Kunektado ang utak at bituka. Pumapasok sa dugo ang sustansiya at latak at umaabot sa ulo. Alam ‘yan ng lahat ng nasobrahan sa inom ng alak. Sa paglamon ng mga paboritong putahe, tumataas ang blood sugar. Pinalalago nito ang endorphins o happy hormones, nagpapasaya.
Nasa protein ng hayop, tulad ng pata tim, inasal o kinilaw, lahat ng amino acids na kailangan ng katawan. Nagbubunsod ang tyrosine at tryptophan ng dopamine, neurotransmitter ng saya at pananabik; at serotonin na kumokontrol ng disposisyon. Sagana sa brussels sprouts ang folate, nagpapabilis ng isip. Pupog ang cranberries ng Vitamin C; ginagawang noradrenaline ang dopamine, isa pang neurotransmitter kontra depression.
Sa rami ng kaso ng mental disorder, sinasaliksik ngayon ang nutrisyon ng utak. Espesyal na sustansiya ang kailangan ng utak, ang pinakamasalimuot at matrabahong organ ng katawan. Meron ngayong sangay ng medisina na nutritional psychiatry.
Nu’ng 1912 pa inulat na mabuti sa utak ang ilang micronutrients. Nadiskubre ang thiamine o Vitamin B1, pangontra beriberi na umaatake sa central nervous system. Makalipas ang kalahating siglo, pinanggamot ang Vitamin B3 sa schizophrenia. Ginamit din ang nutrisyon kontra psychosis, o taliwas na pananaw ng pasyente sa realidad. Ngayon maramihang B6 ang pangontra sa anxiety. At maramihang B12 at Vitamin D pangontra-depression. Mabuti ang Vitamin C, pero ang alyas “C” o cigarets ay nagpapababa ng oxygen sa utak.