Ang sakit sa tuhod ay nararamdaman ng maraming tao. Kadalasan ito nag-uumpisa sa edad 40 pataas. Ang pangunahing dahilan ng pagsakit ng tuhod ay ang arthritis, isang sakit ng pag-edad.
Kung ika’y sobra sa timbang, mas maagang sasakit ang tuhod mo.
Kung sobra ka rin sa ehersisyo, tulad ng mga runner, kickboxer o basketball player, puwedeng mapuwersa rin ang iyong tuhod.
Ano ang dapat iwasan?
l Huwag magbuhat ng mabibigat. Kung mayroon kang bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat.
l Huwag palaging umakyat at bumaba sa hagdanan. Malaki ang stress sa tuhod ng paggamit ng hagdan.
l Huwag tumayo o maglakad nang matagal. Umupo paminsan-minsan at magpahinga. Mas relaks ang tuhod kapag tayo’y nakaupo.
l Huwag mag-high heels. Alam kong mas sexy ang babae kapag naka-high heels, pero malaki rin ang stress nito sa ating tuhod.
l Huwag lumuhod sa sahig. Nakasisira ito ng tuhod. Kapag ika’y nasa simbahan, gamitin ang malambot na kutson para sa iyong tuhod.
Ano ang dapat gawin?
l Kung ika’y sobra sa timbang, kailangan magpapayat. Hindi kasi kaya ng tuhod ang bigat ng iyong tiyan!
l Bumili ng rubber shoes o malambot na sapatos. Mag-tsinelas din. Makatutulong ito para hindi matagtag ang tuhod.
l Palakasin ang masel sa hita. May mga ehersisyo para rito. Puwede ang stationary bike o magbending exercise ng bahagya lang (Half squat at hindi full squat.). Masama ang sobrang pagbaluktot ng tuhod lampas sa 90 degrees.
l Kapag umiinit ang tuhod sa matagalang paglalakad, puwedeng lagyan ng malamig na bag o cold compress.
l Palakasin ang buto. Uminom ng skim milk na may maraming calcium. Para sa mga kababaihan, uminom din ng calcium supplements.
l Puwede subukan ang Glucosamine at chondroitin tablets (Hindi tiyak pero baka makatulong). Ang supplement na ito ay maaaring makabawas sa sakit ng ating tuhod. Ayon sa pagsusuri, posibleng matulungan ng glucosamine ang maninipis nating kasu-kasuan.
l Kapag hindi nawala ang sakit sa tuhod, kumunsulta sa isang orthopedic surgeon o rheumatologist.
l Tandaan: Ingatan at alagaan ang tuhod. Huwag puwersahin at tagtagin sa trabaho. Ipahinga ang tuhod para humaba ang gamit natin nito.