High blood: Natural na solusyon  

KAPAG ang inyong blood pressure ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood na kayo. Ang pinakamainam na blood pressure ay 120 over 80.

May mga natural na paraan para bumaba ang inyong blood pressure:

1. Magbawas ng timbang. Kapag kayo ay lampas sa timbang, mas tataas ang iyong blood pressure. Kung ma­ibababa niyo ang iyong timbang ng 10 pounds, ay bababa rin ang iyong blood pressure ng 10 points.

2. Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong. Bawasan din ang pagkain ng noodles, daing, tuyo at sitsirya.

3. Kumain ng gulay, prutas at low-fat na gatas. Ang saging ay may potassium at napakaganda sa puso.

4. Umiwas sa karneng baboy at baka. Umiwas din sa mamantikang pagkain tulad ng mantikilya at cake. Kumain na lang ng matatabang isda tulad ng sardinas, tilapia at bangus.

5. Bawasan o itigil ang pag-inom ng softdrinks at matatamis na juices. Ayon sa bagong pagsusuri, ang sobrang tamis ay nagdudulot ng diabetes at sakit sa puso.

6. Bawasan ang pag-inom ng kape. Limitahan sa dalawang tasa ng kape sa isang araw para hindi tumaas ang presyon. Piliin ang green tea.

7. Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses bawat linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang 1 oras. Piliin ang ehersisyo na angkop sa iyong edad. Pero sigura­duhing normal ang iyong presyon bago mag-ehersisyo.

8. Matulog ng pito hanggang walong oras.

9. Magbawas ng trabaho. Ang sobrang daming gawain ay puwedeng magdulot ng high blood.

10. Ihinto ang paninigarilyo. Tataas ng 10 puntos ang iyong presyon kapag ikaw ay naninigarilyo. Mas lalapot pa ang iyong dugo.

11. Bawasan o itigil ang pag-inom ng alak. Ang sobrang alak ay nakasisira rin sa puso.

12. Huwag palaging magagalit. Posibleng tumaas ng 50 points ang inyong blood pressure kapag galit na galit.

13. Mag-relax at huminga lang nang malalim at mabagal para bumaba ang presyon. Makinig sa magagandang musika.

14. Labanan ang init na panahon. Ang mainit na klima ay may epekto rin sa may high blood.

15. Uminom ng sapat na tubig sa isang araw.

Mahalagang paalala: Kapag lampas sa 160 over 100 ang inyong presyon o may sintomas na kayong nararamdaman, kailangan n’yo nang uminom ng gamot sa high blood. Kumunsulta sa doktor.

Show comments