ANG isa sa mga dahilan kung bakit nabibinbin ang paghahain ng kaso sa mga high-profile criminal cases ay ang pagiging “urong-sulong” ng mga testigo. Kaugnay ng kaso laban kay Negros Oriental Rep. Arnie Teves na itinuturong utak sa pamamaslang kay Gov. Roel Degamo ng nasabing lalawigan, sinabi ni Justice Sec. Crispin Remulla na biglang nanahimik ang mga testigo laban sa kanya. Ano ba ang dahilan kung bakit umaatras ang isang testigo?
May dalawang dahilan akong nasa isip: Puwedeng ito’ng pinilit lamang na tumestigo laban sa akusado, nakonsensiya kaya umurong; Maaari ring siya ay tinapalan ng malaking halaga o kaya’y tinakot ng akusado kung kaya umatras. Malalim ang kaso ng pagpatay kay Degamo at hindi tayo makapagsabi ng eksaktong dahilan.
Pero noong una pa, ang mga deklarasyon ni Remulla ay may malakas na pahiwatig na si Teves nga at wala nang iba ang mastermind sa pagpatay hindi lamang kay Degamo kundi sa iba pang politically motivated killing sa Negros Oriental. Para bang masyado nang “airtight” at sigurado siya na si Teves na nga ang pangunahing salarin. May sinabi pa siyang itinuturing nang “isang terorista” si Teves.
Nais ko na makabalik ng bansa si Teves at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya. Panagutin kung nagkasala at pawalang sala ng hukuman kung talagang inosente. Pero ang mga pahayag mismo ng pamahalaan mula sa bibig ng justice secretary ay ginagawang kontrabida ang gobyerno mismo na dapat maging tagapagsulong ng katarungan. Sa ganyang mga deklarasyon, natatakot ako na baka bumaling pa kay Teves ang simpatiya ng taumbayan.
Ayaw ko namang isipin na ito’y “reversed psychology” na sinasadyang gawin ni Remulla para nga bumaling ang simpatiya na mamamayan kay Teves. Matalino siyang abogado at dapat, batid niya ang implikasyon ng kanyang mga ginagawa. Ang mga sinabi niya ay parang nagbibigay pa ng bala sa depensa ni Teves.
Si Remulla ay opisyal nang boses ng pamahalaan at ang mga pahayag niya ay dapat maging maingat lalo na sa mga kasong gaya nang kinakaharap ni Teves. Kung siya ay isa lang practitioner ng batas at walang poder na hinahawakan sa pamahalaan, maaari siyang magpahayag ng opinion, pero ngayo’y wala na siyang karapatang magpahayag ng sariling haka-haka dahil ang lahat ng sasambitin niya ay opisyal na pahayag ng gobyerno. Bilang Cabinet member, si Remulla ay alter-ego ng presidente. Ang sinabi niya ay sinabi ng presidente.