BUMABABA na ang lebel ng tubig sa Angat Dam. Kahapon, naitala ang 193.30 meters kumpara sa 193.55 meters na naitala noong Biyernes. Ang normal na level ng Angat ay 212 meters. Sa dam na ito nanggagaling ang 90 percent na isinusuplay sa mga residente ng Metro Manila. Dito rin galing ang sinusuplay sa mga palayan sa Bulacan at Pampanga. Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga nararanasang pag-ulan sa hapon ay hindi nakadaragdag sa dam.
Ngayong nahaharap ang bansa sa El Niño phenomenon na ayon sa PAGASA ay mararamdaman sa huling bahagi ng 2023 at magpapatuloy sa unang bahagi ng 2024, nararapat nang magkaroon ng paghahanda ang lahat. Unang-una nang dapat gawin ay ang pagtitipid sa tubig. Kapag nagpatuloy sa walang patumanggang pag-aaksaya sa tubig, mahaharap sa mas malaking krisis ang bansa. Maaaring dumating ang sandali na wala nang tutulo sa mga gripo dahil naaksaya nang todo.
Noong nakaraang linggo, nanawagan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na higpitan ang mga may-ari ng carwash, may mga swimming pools at golf courses sa paggamit ng tubig. Malakas umanong gumamit ng tubig ang mga nabanggit kaya nararapat higpitan. Sabi ng MWSS, nararapat lumikha ng ordinansa ang local government units (LGUs) para malimitahan ang paggamit ng tubig. Marami umanong nasasayang ng tubig ang negosyong carwash.
Sinabi naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mas maraming naaksayang tubig sa mga tahanan. Ayon sa pagsisiyasat ng DILG, mas maraming naaaksayang tubig sa residential areas. Kung tutuusin daw, mas marami pang naaaksaya sa bawat bahay kumpara sa mga may negosyong carwash.
Kailangan nang magpatupad nang puspusang pagtitipid sa paggamit ng tubig upang hindi danasin ang grabeng kakapusan ng tubig. Kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa mga darating na araw, magsagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan.
Hikayatin din naman ang mga tanggapan ng pamahalaan na magtipid sa tubig. Maraming tanggapan na may mga leak ang gripo sa kanilang comfort room. Ipagpatuloy ng Maynilad at ManilaWater ang pagkukumpuni sa mga sirang tubo na nilalabasan ng tubig at nasasayang lamang.