EDITORYAL – Panganib sa paggamit ng e-cigarette o vape

Nagbabala ang isang grupo na aktibong nanga­ngampanya laban sa paggamit ng tabako na ibilang na ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng e-cigarrete o vape sa mga dapat su­baybayan sa pagkakaroon ng lung injury. Ayon sa grupong Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA), nararapat magkaroon ng report ang DOH ukol sa E-Cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury (EVALI). Sabi ni SEATCA executive director Dr. Ulysses Dorotheo, mahalaga ang monitoring at pagdodokumento ng mga sakit gaya ng lung cancer at respiratory diseases na iniuugnay sa paninigarilyo. Mahalaga ang EVALI para malaman ang pinagmulan ng mga sintomas na iniuugnay sa paggamit ng vape.

Nararapat nang imonitor ang paggamit ng vape lalo pa’t sa kasalukuyan ay parami nang parami ang mga kabataang nalululong dito. Lalong dumami nang luwagan ang mga kabataang maaring makabili at ma­kagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos.

Kapansin-pansin din ang pagsulputan ng vaping stations na malapit sa mga eskuwelahan. Paglabas ng school, deretso sa vaping store ang mga kabataan para makabili. Paglabas sa vaping store, nagmistulang usok sa ilong nang nagngangalit na dragon ang ibinubuga ng mga kabataan. Wala na silang pakialam kung mag-vape sa publikong lugar. Ilang linggo na ang nakararaan, nagbanta ang Philippine National Police (PNP) na sisitahin nila ang mga kabataang naninigarilyo at gumagamit ng vape.

Naging batas ang Vape Bill noong Hulyo 2022 kahit hindi nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Layunin ng batas na ma-regulate ang importasyon, manufacturing, pagbebenta, packaging, distribusyon, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotin products. Ang hindi maganda, binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Malinaw na paghikayat sa mga kabataan na magbisyo sa halip na turuan na umiwas dito.

Maraming kumontra sa pagsasabatas ng Vape Bill sapagkat mapanganib sa kalusugan lalo na sa mga kabataan ang paggamit ng vape. Ang vape ay may chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagi­ging dahilan ng cancer. Noong 2018, naitala ng Pilipinas ang kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae sa Visayas. Nakalanghap umano ng usok ang biktima sa mga kasamahan sa bahay na nagvi-vape.

Tama ang grupong SEATCA na ibilang ng DOH ang paggamit ng vape sa mga dapat i-monitor na nagiging dahilan ng pagkakasakit sa baga at iba pang respiratory diseases. Mga kabataan ang dapat i-monitor sapagkat sila ang nalululong dito.

Show comments