Happy Mother’s Day sa Proud Makatizen supermoms!
Hello, mga kapwa ko Mommies! Mainit na pagbati sa ating lahat para sa Mother’s Day! Sana ay nagkaroon kayo ng pagkakataon na makapag-relax nang konti at magpahinga naman mula sa mga intindihin sa bahay at buhay.
Sa bawa’t araw ay talagang napakaraming ganap ng isang nanay, lalo na kung working Mom ka, kahit na work-from-home pa yan. Mula sa pag-iisip ng ipapabaon sa mga anak, pagba-budget ng weekly expenses, at pag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan ng pamilya, sagot natin yang lahat bilang ilaw ng tahanan.
Kaya naman mga Mhie, matutong alagaan at pahalagahan ang sarili. Kahit gaano pa karami ang obligasyon sa pamilya o trabaho ay wag sana nating kalimutang magpahinga, kumain at matulog nang maayos, at magpa-checkup lalo na kung may sakit-sakit na nararamdaman. Dasurv mo yan! Sa dami ng stress at pisikal na pagod sa araw-araw, kailangang alagaan nating mga nanay ang ating mga sarili. Huwag din sanang kalimutang bigyang-pansin ang inyong mental health. Kung hindi okay ang inyong pakiramdam, hindi dapat mahiyang kumunsulta sa doktor.
Kadalasan, isinasantabi ng mga nanay ang personal nilang pangangailangan para sa pamilya. Kaya naman abot-abot talaga ang pagpupugay ko sa mga nanay na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga asawa at anak. Saludo po ako sa inyong sipag, pasensya, at walang hanggang pagmamahal.
***
National Heritage Month naman ang ating ipinagdiriwang ngayong Mayo at tuloy-tuloy pa rin ang mga activities natin sa Makati.
Noong May 11, binuksan ko ang exhibit ng National Artist na si Larry Alcala sa Museo ng Makati. Si Alcala ay batikang visual artist, ilustrador, at editorial cartoonist. Ang “Slices of Life” ay isang koleksyon ng mga comic strip na kilala sa kanilang nakakatawang humor, observational style at kakayahang ilarawan ang mga pang-araw-araw na sandali at sitwasyon sa buhay Pinoy. Naging tanyag ang mga comic strip dahil sa detalyado at makatotohanang paglalarawan ng buhay ng mga Pilipino, kasama na ang mga pangkaraniwang eksena tulad ng mga palengke, pampublikong transportasyon, at family gatherings. Bukas ang exhibit mula May 11-June 3, 2023, 10 a.m. to 5 p.m. Tuesday-Saturday. Libre ito sa lahat.
***
Noong Sabado naman ay ginanap ang ating taunang Flores de Mayo. Pak na pak ang mga gown at arko sa Santacruzan. Pang-fiesta talaga ang atmosphere sa komunidad sa dami ng taong naki-join sa kasiyahan. Taon 1982 nang simulan ng Makati ang selebrasyon ng Flores de Mayo bilang tanda ng ating debosyon sa Mahal na Birhen. Bukod sa naggagandahang mga sagala, arko, at disensyong bulaklak, sinisimbolo ng Flores de Mayo ang malalim nating paniniwala at debosyon kay Mama Mary. Kitang-kita ang diwa ng pagmamahal at pagpapakumbaba ng mga taong nakikiisa sa mga selebrasyong tulad nito. Kaya naman, ang mga tradisyon natin ay hindi lamang simpleng pagdiriwang kundi tanda rin ng ating pagkakaisa bilang isang komunidad.
Sa bilis ng ating modernong pamumuhay, nakakatuwang makita na buhay na buhay ang kultura at mga tradisyon natin sa Makati. Mahalagang maipakita at maiparanas ito sa mga kabataan para ituloy din nila at panatilihing maalab ang kanilang pananampalataya sa Maykapal sa mga darating pang panahon.
- Latest