HINDI pa tapos ang kalbaryo sa sibuyas. Ang nangyari noong nakaraang taon ay posibleng maulit na naman ngayong taon at baka mas matindi pa.Tataas muli ang presyo ng sibuyas at kailangan nang umangkat para maiwasan ang muling pagsipa ng presyo.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), pinag-aaralan na umano ang pag-angkat ng sibuyas upang mapigilan ang pagtaas ng presyo. Sabi ni Jose Diego Roxas, tagapagsalita ng BPI, hindi pa naman ito tiyak at may mga options pa para mapigilan ang pagtaas. Pero sabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, kailangan ang calibrated importation para mabalanse ang sapat na suplay ng sibuyas at ang tamang presyo nito sa pamilihan.
Ang balak na pag-angkat ng sibuyas ay tinututulan ng mga lokal na magsasaka o magtatanim ng sibuyas. Sapat daw ang suplay ng sibuyas at hindi na kailangang umangkat. Baka sa dami ng suplay, ay mabulok lamang ang aanihing sibuyas ngayong unang bahagi ng 2023.
Noong nakaraang Enero sinabi ng mga grupo ng mga magsasaka at nagtatanim ng sibuyas, ang nararapat paghandaan ng pamahalaan ay ang pagkakaroon ng cold storage facilities upang hindi mabulok ang mga aanihin. Ayon sa mga magsasaka, sa unang bahagi ng 2023 ay maraming sibuyas ang aanihin sa buong bansa. “Bumper harvest” anila ang mangyayari kaya sapat na sapat ang suplay. Wala na umanong magiging problema at maaaring bumaba nang todo ang presyo ng sibuyas. Sa kasalukuyan, ibinibenta ang sibuyas ng P150 hanggang P200 per kilo. Noong nakaraang Disyembre 2022, umabot sa P750 per kilo ng sibuyas.
Sinabi rin ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) noong Enero na maraming aanihing sibuyas sa maraming lugar sa bansa. Kaya mahalagang magkaroon nang maraming storage para sa sibuyas. Ito umano ang dapat paghandaan ng Department of Agriculture. Ayon pa sa PCAFI, mayroon lamang 27 storage plants sa Metro Manila at dapat madagdagan pa para sa maraming aanihing sibuyas.
Kaya ang balak ng DA na pag-angkat ng sibuyas ay naghahatid na naman ng pagdududa. Bakit aangkat gayung ang mga magsasaka na ang nagsasabi na maraming aanihing sibuyas? Saan dadalhin ang aangkating sibuyas?
Ang pag-angkat ng anumang agri products ay taliwas sa sinabi ni President Marcos Jr. na hindi niya matanggap na nag-iimport ang bansa ng agri products. Masakit sa kalooban niya sapagkat ang Pilipinas ay isang agricultural na bansa.
Nasanay na ba kai-import at hindi na iniisip pagyamanin ang sariling ani? Sayang ang malawak na lupaing taniman kung ang pag-import ang paiiralin.