Tarlac Agricultural University: SMART Agriculture bilang bagong mukha ng agrikultura
Isa pinakamahalagang sektor sa Pilipinas ang agrikultura. Mapalad tayong mga nasa agrikultural na bansa dahil nagbubukas ito ng maraming oportunidad, lalo na sa mga nakatira sa rural areas na ang ikinabubuhay ay ang pagsasaka. Ang patuloy na pagtaas ng demand para sa iba’t-ibang agricultural products ay nangangahulugang kinakailangang mangalampag para sa mas maayos na agricultural system na makatutulong sa mga magsasakang pagbutihin at protektahan ang kanilang kabuhayan tungo sa patas at mataas na kita.
Ang Tarlac Agricultural University (TAU) ang isa sa mga nangunguna sa pagsasaliksik ng mga makabagong teknolohiya na mapakikinabangan ng mga komunidad at mga magsasaka. Sa ikalawang bahagi ng “Pamilya Talk: EduTourism special,” binisita naming ang TAU sa Camiling, Tarlac upang silipin kung paano ginagamit ang makabagong teknolohiya para sa kanilang agricultural programs.
Ibinihagi ni Dr. Max Guillermo, President ng Tarlac Agricultural University na “ang ultimate mission ng ating unibersidad ay maka-generate ng mga technology gamit ang ating research program na makatutulong sa mga kababayan natin, lalong-lalo na sa mga magsasaka.”
Ipinagmalaki rin niya ang mga naging tagumpay ng unibersidad kagaya ng pagpasok nila sa sikat na TIMES Higher Education Impact Ranking na nakabase sa United Kingdom. Sinusukat nito ang laki ng impact o tulong at mga pagbabagong nagagawa ng mga programa ng mga unibersidad sa iba’t ibang sektor sa kanilang komunidad, lalo na sa mga mahihirap.
Ang mga programang ito ang kontribusiyon nila sa StudyPH-EduTourism program ng Commission on Higher Education (CHED) na naglalayong palakasin ang lokal na turismo sa tulong ng mga unibersidad. Idiniin ni Commission on Higher Education Chairman, Popoy De Vera na oras na para ipamalas ng mga unibersidad ang kanilang potensiyal sa pagpapalakas ng turismo gamit ang kanilang pagkabihasa sa research at edukasyon.
“Importante ang EduTourism para matanto ng mga unibersidad na mahalaga ang kanilang papel sa pagsulong ng lokal na turismo…‘yan ang unang hakbang,” sabi ni de Vera.
Perfect match talaga ang mga nabuong agricultural projects ng TAU sa vision ng EduTourism. Malugod ngang ipinahayag ni Atty. Lily Milla, Director ng International Affairs Staff ng CHED, na isa ang TAU sa mga unang kumilala sa konseptong smart agriculture. Sabi niya, “Nagawa ng Tarlac Agricultural University na magpakilala sa buong mundo. Nakabuo sila ng magandang kampanya globally…talagang hinanda nila ang kanilang roadmap, ang strategic plan upang maging isang smart agriculture university. Kailangan nating pagsamahin ang technology at ang ating likas na yaman upang ma-maximize natin ang ating potensiyal.”
ADAPT-TAU
Ang Agri-EcoTourism Development and Accelerated Promotion of Techno Entrepreneurship o ADAPT-TAU program ay tumutulong sa mga lokal na komunidad gamit ang kanilang mga nabuong research at techniques na makabubuti sa pangkabuhayan ng mga mahihirap na komunidad. Nasaksihan ko ang iba’t-ibang technologies --- mula sa chicken breeding hanggang bamboo farming at smart agriculture systems nang bumisita ako sa unibersidad.
Nang magpunta ako sa free-range chicken breeding facility ng TAU, napansin kong hindi stressed ang mga free-range na manok kumpara sa mga commercial na manok. Mula sa salitang “free,” ang mga free-range na manok ay iyong malayang namumuhay sa kanilang natural habitat. Ayon sa Vice President for Research, Extension, and Training ng TAU na si Dr. Ma. Asuncion Beltran, ang mas natural na paraan ng pagpapalaki at pag-aalaga ng manok ang konsepto ng kanilang proyekto. Kaya naman ang itlog ng mga manok ay mas masarap at mas masustansiya.
Isa pa ang engineered bamboo sa mga proyekto ng ADAPT-TAU. Ang engineered bamboo ang nagsisilbing alternatibong materyal sa mga gamit pambahay o pandekorasyon. Ipinakita sa akin ni Engr. Mark Ferrer, ang Project-in-Charge ng Engineered Bamboo Facility sa TAU, ang buong proseso kung paanong nagbabagong-anyo at gamit ang kawayan. Mula sa pag-aani, ang kawayan ay dumadaan sa masusing proseso para makuha ang tamang laki, lapad, at disenyo para mas magamit ito para sa iba’t ibang mga bagay na tulad na lang ng sahig at dingding.
Maganda gamitin ang bamboo dahil sustainable ito at tumatagal nang maraming taon kahit pa putulin. “Basta ikaw ay responsable sa pag-ani, kahit putulin mo ito, sa loob ng 3-5 na taon, may makukuha ka pa rin. Hindi mo kailangan putulin ang puno ng kawayan,” dagdag pa ni Ferrer.
Bukod sa engineered bamboo, may iba pang nakabibilib na mga teknolohiya ang TAU – ang high-tech na paraan ng pagsasaka gamit ang kanilang Smart Agriculture Center! Itinuturo ng Sustainable Mechanized Agriculture for Research and Technology o SMART kung paano mapapabuti ng mga magsasaka ang nakasanayan nilang tradisyunal na pagsasaka.
Ipinaliwanag ni Dr. Amy Rico, Manager ng TAU Smart Agricultural Center kung paano napagsasama ang technolohiya at agrikultura upang makabuo ng makabago at mas efficient na uri ng agrikultura. Idiniin din niyang, “Gamit ang smart agriculture, napagme-meet natin ‘yung agriculture and technology, napagme-merge natin sila. Pwede nating gamitin ang cellphone at tablets sa farming.”
Sa tulong ng technolohiya, gamit ang isang mobile application, automated na ang oras ng pagdidilig at paggamit ng retractable shade para hindi masobrahan sa araw ang mga tanim sa loob ng greenhouse. Hindi ba’t talagang nakakabilib ito?
#TAUGLOBAL
Tama lang na makilala ang technologies na ito hindi lamang sa bansa kundi internationally din. Hindi tumitigil ang TAU sa paggawa ng mga hakbang na magbibigay ng magagandang oportunidad sa kanilang mga estudyante at faculty para mapabuti pa ang kalidad ng kanilang mga proyekto. Sumasali sila sa international assessment na nakatutulong sa kanilang development roadmap na gumagabay sa unibersidad tungo sa tamang direksiyon.
Sabi ni Dr. Christine N. Ferrer, Proponent at Project-in-Charge ng EduTourism/ADAPT-TAU, layunin ng TAU-External Linkages and International Affairs na “magkaroon ng global exposure ang mga faculty, staff, at estudyante. Kaya binibigyan sila ng maraming opportunities gaya ng exchange programs, research collaborations, at immersion kasama ang partner universities abroad.”
Bunga ng pagpupursigi at masusing pagplano ng agricultural technologies, nakabuo ang TAU ng panibagong mukha ng agrikultura. Naipapakita din nila ang potensiyal ng teknolohiya, upang baguhin ang mga gawaing pang-agrikultura at pagbutihin ang industriya ng pagsasaka na lubos na makatutulong hindi lamang sa mga magsasaka kundi maging sa mamimiling Pilipino.
Dahil pinapahalagahan ng TAU ang pagpapabuti ng agricultural research at pagsasanay sa kanilang graduates na makipagsabayan sa ibang bansa, maituturing na silang nangunguna sa larangan ng food security, rural, at sustainable development ng sektor ng agrikultura, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa global community.
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa [email protected].
- Latest