Ipagpalagay na napanalunan mo ito sa patimpalak. Tuwing umaga ide-deposito sa banko mo ang P86,400 para gastahin. Pero may alituntunin:
(1) Babawiin lahat ang hindi mo magasta sa loob ng isang araw;
(2) Hindi mo maililipat ang pera sa ibang bank account;
(3) Maari mo lang itong gastahin;
(4) Paggising sa umaga, de-depositohan ka ng bagong P86,400;
(5) Anumang oras maari ihinto ang papremyo nang walang abiso.
Kapag sarado na ang bank account—game over—hindi ka na makakapagbukas ng bago. Ano’ng gagawin mo?
Ibibili mo ang sarili ng lahat nang nais, ‘di ba? Hindi lang para sa sarili kundi sa mga minamahal at inaalagaan. Gagastahan din ang mga taong hindi kilala dahil hindi mo naman kayang ubusin ang pera, ‘di ba? Sisikapin mong gastahin bawat sentimo kasi alam mong mapupunuan muli kinabukasan, tama?
Totoo itong patimpalak. Bawat isa sa atin ay ginantimpalaan na. Hindi lang natin batid.
Ang premyo ay panahon:
(1) Araw-araw meron tayong 86,400 segundong biyaya ng buhay;
(2) Hindi nadaragdagan ang premyong ‘yon sa pagtulog sa gabi;
(3) Naglalaho ang hindi magamit na panahon sa araw na ‘yon;
(4) Wala na ang kahapon;
(5) Tuwing umaga muli pinupunuan ang account, pero maari ‘yon isara ng banko anumang oras.
Ano’ng gagawin mo sa 86,400 segundo na mas mahalaga sa P86,400? Lubusin ang bawat sandali. Alagaan ang sarili, maging maligaya, magmahal nang lubos, namnamin ang buhay. Huwag umangal na tumatanda ka; maraming hindi nakakaranas nu’n.
(Mula sa internet. Hindi alam ang umakda. Isina-Tagalog ko)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).