Maaaring pamilyar kayo sa sikat na gourmet popcorn snacks na Chef Tony’s.
Ito ‘yung popcorn na ini-endorso ng ilang mga personalidad sa media at showbiz. Halos lahat ng mall, may puwesto ang Chef Tony’s. Kalat ang kanilang branch sa buong bansa.
Subalit, sa kabila ng kasikatan ng Chef Tony’s, ilan sa mga empleyado nila ang nagsumbong sa #ipaBITAGmo.
Reklamo ng pitong empleyado ng Chef Tony’s Snack Foods Philippines Corporation, simula taong 2019 walang hulog ang kanilang SSS, PhilHealth, at PagIBIG kahit na regular silang kinakaltasan buwan-buwan.
Hindi naman ito itinanggi ng management ng Chef Tony’s. Pero kasalukuyan na raw nilang inaayos ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Aminado rin daw sila na hindi nila nahulugan ang SSS, PhilHealth at PagIBIG dahil sa nagdaang pandemya. Hindi raw nila binabalewala at tatakasan ang mga obligasyon sa kanilang mga tauhan.
Agad nakipag-ugnayan ang #ipaBITAGmo sa nabanggit na tatlong tanggapan ng gobyerno. Sinisilip na nila ang mga record ng Chef Tony’s at hinihikayat ang mga empleyado na magsumite ng formal complaint para ma-validate lahat ng mga kailangan nilang detalye.
Ang Quezon City Business Permits and Licensing Office (QC BPLO) naman, ipaiinspeksyon ang Chef Tony’s Snack Foods Philippines Corporation upang makita ang actual operation at compliance ng kompanya.
Tulad nang lagi kong sinasabi, hindi anti-business ang BITAG. Pinapalabas lang namin ang totoong sumbong at reklamo ng mga totoong tao sa lipunan na nakakaranas ng mga kapabayaan ng kanilang mga inirereklamo.
Bukas ang BITAG Action Center sa lahat ng mga nakaranas ng pang-aabuso, pagmamalabis at kapabayaan ng kanilang mga pinagtatrabahuhan, mapa-gobyerno man o pribado.
Mapapanood ang imbestigasyon ng BITAG sa kasong ito ng Chef Tony’s sa BITAG Official YouTube Channel.