EDITORYAL - Hindi pa tapos ang pandemya
Noong Mayo 6, inihayag ng World Health Organization (WHO) na hindi na global health emergency ang COVID-19. Ganunman, sinabi ng WHO na hindi pa lubusang nagtatapos ang COVID-19 sapagkat maraming bansa sa Asia at Middle East ang tumataas ang kaso. May mga bansa umano na tinatamaan ng virus at maraming tao ang namamatay linggu-linggo. Niliwanag ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyess na bagamat hindi na global health emergency ang COVID, hindi ibig sabihin ay tapos na ang pandemya. Dapat pa rin umanong ipatupad ang lubusang pag-iingat upang hindi mahawahan ng virus.
Ganito rin ang babala ng Department of Health (DOH) sa mamamayan. Hindi dapat maging kampante ang mamamayan sapagkat hindi pa lubusang nawawala ang virus.
Sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang ipinahayag ng WHO na hindi na global concern ang COVID ay hindi katumbas na wala na ang pandemya. Kaya kahit na inalis ng WHO ang Public Health Emergency of International Concern status, hindi pa nagtatapos ang pandemya. Kaya mariing sinabi ni Vergeire na huwag maging complacent ang mamamayan sa pagkakataong ito. Maging vigilant at ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask, magpabakuna at magpa-booster. Sinabi ni Vergeire na nagkakaroon ng pagtaas sa kaso ng COVID.
Mula Mayo 2-8, ang average daily cases ay 1,400 at 96 percent dito ay mild, asymptomatic o moderate samantalang ang natitirang four percent ay malubha at kritikal. Wala namang bagong update sa na-detect na unang kaso ng Arcturus o XBB.1.1.12 subvariant sa bansa noong Abril. Hindi pa umano nagkakaroon ng genome sequencing.
Hindi pa tapos ang pandemya gaya ng sinabi ng WHO at DOH. May pagtaas ng kaso kaya hindi dapat maging kampante. Umiwas sa matataong lugar at laging mag-face mask. Ipagpatuloy ang nakaugaliang pag-iingat na ginawa sa loob ng mahigit dalawang taon.
Paigtingin ng DOH ang pagbabakuna at pagbibigay ng booster. Marami pang hindi nababakunahan kaya ito ang nararapat isakatuparan upang mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan.
- Latest