EDITORYAL — Patuloy ang krimen dahil sa POGOs
MAY mga kinikidnap na Chinese national at saka ipatutubos ng ransom. Kapag hindi natubos, papatayin at itatapon ang bangkay sa liblib na lugar. Ang nakapagtataka, pawang Chinese ang nababalitang kinikidnap. Ang iba kung hindi pinapatay ay binubugbog. At sa pag-iimbestiga ng pulisya, lumalabas na ang Chinese victim ay empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ang kumidnap ay mga kapwa Chinese din na empleyado ng POGO. Hanggang ngayon, patuloy ang pangingidnap sa mga Chinese. Noong nakaraang Lunes (Mayo 1) isang 34-anyos na Chinese national ang nasagip ng mga sundalo ng Philippine Marines sa Ternate, Cavite. Ayon sa mga sundalo, humingi sa kanila ng tulong ang Chinese. Namamaga ang mukha nito dahil sa bugbog. Tinulungan siya ng mga sundalo at inilapit sa pulisya. Ayon sa acting police chief ng Ternate, mga kasamahan din umano ng Chinese ang dumukot at bumugbog sa biktima. Dinukot umano ang biktima sa kanyang tirahan sa Pasay City at kinuha ang cell phone at wallet. Pagkatapos ay dinala sa POGO sa Pasay at pinaiwan ang passport. Dinala sa Ternate at doon binugbog. Nakatakas umano ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga awtoridad. Iniimbestigahan ng PNP Anti-Kidnapping Group ang pangyayari.
Paulit-ulit na lamang ang nangyayaring kidnapping na ang sangkot ay mga Chinese na nagtatrabaho sa POGOs. Halos mga Chinese na lamang ang napapabalita na kinikidnap at ipinatutubos. Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayaring ito. Ano na lamang ang iisipin ng mga dayuhan na ang Pilipinas ay pugad ng kidnappers. Matatakot ang mga dayuhan o turista na magtungo sa Pilipinas dahil sa laganap na kidnapping na ang gumagawa ay mga Chinese. Masisira ang pagpo-promote sa bansa dahil sa nangyayaring ito. Matatakot ang investors na maglagak ng kanilang pera.
Isang paraan para matigil ang kidnapping at iba pang krimen na hatid ng POGOs ay ang pagsuspende ng gobyerno sa operasyon nito. Huwag nang hayaan pang dumami ang krimen sa bansa dahil lamang sa POGO. Isa pa, wala namang naitutulong ang POGOs sa ekonomiya ng bansa.
Mula nang mag-operate ang POGOs noong 2017, hindi nagkaroon ng pagbabago sa ekonomiya dahil maraming hindi nagbabayad ng buwis. Sa mga bansa sa Asya, tanging ang Pilipinas ang may POGO. Isinuka na ito sa Malaysia at Singapore.
Panahon na para isuka sa Pilipinas ang POGOs na ang hatid ay krimen at kaguluhan.
- Latest