EDITORYAL — Umabuso sa pagpapatupad ng war on drugs

SI President Ferdinand Marcos Jr. na ang nagsabi na nagkaroon ng pag-abuso sa pagpapatupad ng giyera laban sa illegal na droga ang nakaraang Duterte administration. Sinabi ito ni Marcos nang bumisita sa United States mula Mayo 1-5. Sa panayam kay Marcos ng Center for Strategic & International Studies kaugnay sa human rights situation ng Pilipinas sinabi niya na nagkaroon ng pag-abuso sa pagpapatupad ng war on drugs. Masyado raw umanong nag-pokus sa enforcement ang nakaraang administrasyon. Ito umano ang dahilan kaya umabuso ang mga elemento ng pamahalaan sa pagpapatupad nito na naglagay naman sa sitwasyon na nalabag ang karapatang pantao.

Sinabi rin ni Marcos na maraming police officials ang nasangkot sa illegal na droga kaya naman hiningi niya ang courtesy resignation ng mga ito. Umabot sa 917 ang mga miyembro ng pulisya na nagsumite ng resignation. Sinabi ni Marcos na tinanggap na niya ang pagbibitiw ng dalawang heneral ng PNP.

Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay. Ang masaklap lang, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan. Kabilang dito sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.

Marami pang pang-aabuso ang mga awtoridad na hindi na naimbestigahan. Maraming magulang ang humihingi ng hustisya sa pinatay nilang anak dahil sa war on drugs.

Ngayong sinabi na ni Marcos na may pag-abuso sa nakaraang administrasyon sa isinagawang giyera laban sa droga, nararapat lamang na maim­bestigahan ang mga pag-abuso. Nararapat makamit ng mga naulila ang hustisya. Sumisigaw ang mga inosenteng nabutas ang bungo dahil sa bala.

Nararapat na hayaan ang International Criminal Court (ICC) na makapagsagawa ng imbestigasyon para malaman ang katotohanan. Ito ang tamang paraan sa pagkakamit ng hustisya.

Show comments