DIRETSAHAN na! Dito sa Pilipinas, marami ang mga ignorante at tatanga-tanga para lang kumita ng pera sa social media. Natututo lang humarap sa sarili nilang camera, mikropono at ilaw sa kanilang mga maliliit na studio, vlogger na. ‘Yung iba naman matataba ang utak. Sadyang lumilikha pa ng kanilang mga obra kuno sa abot ng makakaya nilang produksyon sa ngalan ng “content” daw. Ang kanilang inaasam-asam, kumita ng dolyar.
Ihiwalay natin ang mga vlogger na disente, edukado, at respetable sa kanilang mga larangan. Saludo tayo sa kanila. Sila ‘yung mga propesyunal na seryoso sa kanilang propesyon na makapagbigay kaalaman, impormasyon at edukasyon. Ang nakakabuwisit, ay ‘yung mga vlogger na may sapak at hindi alam ang kanilang responsibilidad. Mga ignorante sa kahihinatnan ng kanilang mga pinaggagawa basta para sa kanila kumita.
Hindi ko alam kung nasa tamang katinuan pa sila ng pag-iisip. Mayroong kumakain ng dumi ng hayop maka-content lang. Mayroong sadyang nagpapatuklaw sa ahas, may nagpapahabol sa aso at marami pang ibang mga walang katuturan. ‘Yung iba naman na mga honghang at putok sa buho, gumagawa ng mga kakaibang trip o na lumalabag na sa batas. ‘Ala lang, prank lang. Trip-trip lang. Lagi silang may mga ginagamit na props o biktima na walang kamuwang-muwang. Tapos kapag nagalit sa kanila saka nila sasabihing katuwaan lang. Kundi ba naman mga tunggak!
Iba naman ang mga prank na ginagawa ng mga reputableng television production. ‘Yun ‘yung mga may pahintulot at may mga kaukulang permit. Alam ng mga alagad ng batas na ang kanilang prank ay para sa maraming audience para mag-entertain at makakuha ng ratings. Sinusunod nila ang ethics ng totoong produksyon.
Pero itong tatlong vloggers na nag-viral sa Las Piñas, nakakabuwisit. Buti nga hindi sila binaril ng off-duty na pulis na naaktuhan ang kanilang kidnap prank. Kaya sa halip na makapag-entertain, marami ang nainis. Ayun, sinampahan ng dalawang kaso ng Las Piñas police na puwede silang makulong hanggang 12 taon.
Kaya sa mga nagba-vlog diyan, maging responsable kayo. Hindi namin binabasag ang trip n’yong ewan, basta huwag lang kayong makakapinsala.