PARAMI nang parami ang mga estudyante na naninigarilyo at ang iba ay gumagamit ng vape. Ang masama, kahit sa pampublikong lugar at pampasaherong sasakyan, may naninigarilyo at nagbi-vape. Wala nang pakialam ang mga kabataan sa kanilang ginagawa. Hindi nila alam na pinagbabawal ang paggamit ng vape at pagyoyosi sa mga publikong lugar.
Ayon sa Department of Health (DOH), mas maraming kabataang lalaki ang smokers kaysa mga kababaihan. Tinatayang nasa 2.8 million ang lalaking smokers samantalang nasa 1.8 million naman ang mga kababaihan. Ginawa ang surbey ilang taon na ang nakararaan at wala pang bagong surbey na inilalabas ang DOH pero ang tiyak, mas dumami pa ang naninigarilyo at nagbi-vape na kabataan.
Naging ganap na batas ang Vape Bill noong Hulyo 2022. Naging batas ito kahit hindi nilagdaan ni President Marcos Jr. Ang naturang panukala ay naratipikahan ng Senado at House of Representative noong Enero 26, 2022. Layunin ng batas na ma-regulate ang importasyon, manufacturing, pagbibenta, packaging, distribusyon, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotin products.
Ang masama sa batas, binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili. Ang hakbang ay malinaw na paghikayat sa mga kabataan na magbisyo sa halip na turuan na umiwas dito. At nangyayari na nga sapagkat maraming kabataan ang nakapila sa vaping station. Kung bumuga sila ng usok ay walang pakialam kahit nasa publikong lugar.
Nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong 2022, maraming health advocates ang nangamba. Sinabi ng mga doktor na tulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit ng vape dahil nagiging dahilan ito ng lung cancer. Ayon sa mga pag-aaral, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nagiging dahilan para ma-addict ang gumagamit.
May nabiktima na ang vape noong 2018 nang isang 16-anyos sa Western Visayas ang nagkasakit sa baga dahil sa nalanghap na usok ng vape. Ayon sa report, may kasama sa bahay ang babae na gumagamit ng vape.
Ngayong parami nang parami ang kabataan na gumagamit ng vape, hindi malayong magkasakit sila at pati na rin ang nakalalanghap ng second smoke. Dapat higpitan ang mga kabataan o estudyante sa paninigarilyo at paggamit ng vape sa publikong lugar. Kumilos sana ang Philippine National Police (PNP) ukol dito.