HINDI pa dapat maging kampante at ipagpatuloy ang nakaugaliang pag-iingat upang hindi mahawahan ng COVID-19. Ito ay dahil sa naitalang pagtaas ng kaso sa Metro Manila. Bagama’t hindi pa naman masasabing mabilis ang pagdami ng kaso, nararapat isaisip ng bawat isa ang pag-iingat.
Ayon sa pinakahuling update ng OCTA Research Group, muling tumaas ang positivity rate o hawahan ng COVID sa Metro Manila sa mga nakaraang araw. Ayon sa OCTA, umakyat na sa 13.4% ang lingguhang positivity rate sa Metro Manila noong Abril 25 mula sa 8.4% na naitala noong Abril 19.
Nagbigay ng babala si OCTA Research fellow Guido David na posibleng tumaas pa ng hanggang 20 percent ang positivity rate o hawahan sa Metro Manila. Ayon kay David, nararapat na maging maingat ang mamamayan lalo na kung lalabas sila ng bahay. Ang pag-iwas umano sa matataong lugar ay nararapat para hindi mahawahan ng virus. Ipinaalala niya na magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay. Mabisang proteksiyon ang face mask.
Maski ang Department of Health (DOH) ay nagpahayag na tumaas ang kaso ng COVID sa buong bansa. Ayon sa DOH, may naitalang 781 bagong kaso ng COVID-19 noong Abril 27 kung saan 274 kaso ay nagmula sa Metro Manila. Ganunman, hindi pa naman daw maituturing na malubha ang pagdami ng kaso. Ayon pa sa DOH, wala na rin daw naitatalang pagkamatay sa COVID-19.
Hindi pa natatapos ang COVID at naghahatid pa rin ng pangamba. Sa nangyayaring ito, hindi pa talaga dapat maging kampante o magwalambahala sapagkat posibleng mahawahan lalo pa’t marami ang hindi bakunado.
Ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask. Mahusay itong proteksiyon. Ituloy naman at palawigin pa ng DOH ang pagbabakuna sa buong bansa. Ito ang magliligtas sa lahat. Matuto namang sumunod sa health protocol ang mamamayan.