EDITORYAL - Babala ni Acorda sa police scalawags
SA tuwing may bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), may mga bago ring pangako na pawang magaganda at makabuluhan. Marami nang naging PNP chief mula nang itatag ito noong Enero 29, 1991 pero ang mga pangako na sinabi hindi nagkakatotoo. Nagpapatunay na madaling mangako pero ang isagawa ito ay hindi madaling gawin. Mas maganda kung hindi na mangangako sapagkat umaasa lamang ang taumbayan. O ang mas maganda, huwag nang magbitiw ng pangako at gumawa na lamang nang tahimik. Mas pupurihin pa ng taumbayan ang PNP chief na tahimik pero ang dami naman palang ginagawa para sa kapakanan ng mamamayan.
Si Gen. Benjamin Acorda Jr. ang ika-29 na PNP chief. Siya ang ikalawang PNP chief na itinalaga ni Pres. Ferdinand Marcos—una si Gen. Rodolfo Azurin Jr. Miyembro ng PMA Class 1991 si Acorda at marami nang hinawakang posisyon bago naabot ang pinakamataas na posisyon sa pambansang pulisya. Siya ang tanging PNP chief na hindi naging matunog ang pangalan sa mga pinagpilian ni Marcos. Marami ang nagulat nang ihayag ang pangalan niya noong Lunes na magiging kapalit ni Azurin at mamumuno sa 220,000 miyembro ng PNP.
Sa lahat nang naging PNP chief, si Acorda ang may pinakamabigat na pasanin. Masyadong masalimuot ang problemang iniwanan ni Azurin na may kaugnayan sa mga police officials at miyembro na sangkot sa illegal drugs. Hindi lamang mga criminal ang kalaban ni Acorda ngayon kundi pati mga “naka-asul na uniporme” na sangkot sa drug trade.
Mabigat ang mga kalaban niya sapagkat mismong ang mga opisyal at tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ay sangkot umano sa illegal drugs. Katunayan, hinihinalang pinagtatakpan ng mga police officials ang 990 kilo ng shabu na nakumpiska kay MSgt. Rodolfo Mayo noong 2022. Nagkakahalaga ang droga ng P6.7 bilyon.
Pero ang pangako ni Acorda, lilinisin niya ang PNP sa scalawags. Ipatutupad niya ang internal cleansing. Patitindihin din umano ang paglaban sa illegal drugs, insurgency at terrorism.
Naipangako na ito ng mga naging PNP chief pero dapat subukan ang kakayahan ni Acorda. Kapag nagawa niya ang mga pinangako, siya ang tatanghaling pinakamahusay na PNP chief.
- Latest