VIRUS ang dahilan ng kulugo. Ang kulugo ay maliit na butil at magaspang kung hawakan. Maaaring masakit ngunit hindi naman ito kanser.
Mahigit 200 ang uri ng kulugo. Ang karaniwang kulugo ay nakikita sa kamay at daliri.
Narito ang iba pang uri ng kulugo:
1. Plantar warts – Karaniwang tumutubo sa talampakan.
2. Genital warts – Tumutubo sa maselang bahagi ng katawan.
3. Flat warts – Kadalasang lumalabas sa mukha, kamay at hita.
Nakahahawa ang kulugo. Maghihintay ng dalawa hanggang anim na buwan bago mabuo ang kulugo pagkatapos mahawa.
Salicylic acid para mawala ang kulugo:
1. Ang pangtanggal sa kulugo ay mabibili sa drugstores. Maaaring ito ay topical na solution o kaya naman ay patch. Sa mga karaniwang warts, hanapin ang produktong naglalaman ng 17% salicylic acid, dahil binabalatan nito ang apektadong parte ng balat. Ang mga ganitong produkto ay kinakailangan gamitin araw-araw.
2. Para sa magandang resulta, ibabad ang kulugo sa maligamgam na tubig ng mga 15 minuto bago lagyan ng salicylic acid. Ingatan lamang ang paggamit dahil ang acid nito ay maaaring makairita sa balat na nakapalibot sa kulugo.
Karamihan sa kulugo ay kusang nawawala. Kumunsulta sa doktor kung ang kulugo ay masakit at mabilis dumami.