GRABENG init ang nararanasan ngayon sa buong bansa. Dahil sa init, maraming estudyante ang hinihimatay kagaya ng nangyari sa Occidental Mindoro noong nakaraang linggo. Sampung estudyante ang hinimatay at nakaranas ng pagkahilo habang nasa klase. Tatlong eskuwelahan sa Occidental Mindoro ang nakaranas ng pagkahimatay ng mga estudyante. Ang sobrang init ng panahon na sinabayan pa sa problema ng kuryente sa probinsya ang dahilan kaya maraming nahihimatay na estudyante. Isinugod sa ospital ang mga hinimatay na estudyante.
Ang nararanasang init ang naging daan para sabihin ni President Ferdinand Marcos Jr. na pag-aaralan niya na ibalik sa Abril at Mayo ang bakasyon ng mga estudyante. Sa bagong school calendar, Hulyo at Agosto ang bakasyon ng mga estudyante. Ginawa iyon dahil panahon daw ng tag-ulan at bagyo ang mga nabanggit na buwan.
Ayon sa Presidente, maari namang baguhin ang school calendar. Madali na umanong desisyunan ito. Hindi na raw masabi ngayon kung kailan mag-uumpisa ang ulan at kung kailan magiging mainit. Pag-aaralan umanong mabuti ang balak na pagbabalik sa Abril at Mayo ang bakasyon ng mga estudyante para hindi magdusa sa nagbabagang init.
Mas makabubuti kung ibabalik sa Abril at Mayo ang bakasyon. Ayon sa PAGASA, sa mga buwan na nabanggit nakararanas nang mataas na heat index ang maraming lugar sa bansa. Maiimadyin kung gaano kainit sa classroom sa mga buwan na ito. Nagbabaga nang todo. At wala namang sapat na electric fan ang mga pampublikong eskuwelahan. Maski tubig na inumin ay wala sa mga classroom kaya nagdurusa ang mga estudyante. Dahilan para ang karamihan sa kanila ay mahimatay.
Ipatupad na sa susunod na taon na ang vacation break ay Abril at Mayo. Iligtas ang mga estudyante sa pagkakasakit dulot nang matinding init. Hindi sila dapat magdusa sa mala-oven na classroom kung buwan ng Abril at Mayo.