Katapusan na ba ng katotohanan?

MAY dulot na mabuti at masama ang bawat teknolohiya. Nu’ng dekada-80 binago ng e-mail ang komunikasyon. Hindi na naghihintay ng linggo o buwan ang pagpapa­litan ng liham. Naging instant na. Pero mabilis din ito gina­mit sa krimen: e-mail scams at child pornography.

Pagdating ng cell phone natuto lahat mag-type, magtelepono, kumuha ng litrato at video. Bumilis kumalat ang balitang personal at panlipunan. Agad din nakaka-react ang tumanggap. Naengganyo ang tao maglahad ng pananaw. ‘Yun nga lang, naging mas mabilis mag-type kaysa mag-isip ang sender. Hilaw pa ang opinyon, tine-text agad. Wrong spelling pa. Namihasa sa ganun ang marami.

Pasok ang Facebook, YouTube, Twitter, Instagram, TikTok. Hindi lang text kundi visual na ang pagmemensahe. Lahat natutong mag-audio-video editing. Nagkaroon ng online influencers. Milyun-milyon ang sumusunod sa kanila. Kaya lang, may bloggers na nagpo-post ng makitid na opinyon, maling impormasyon at hayagang kabulaanan. Maraming napapaniwala. Kung may kumontra man, dina­daan sa pangit na paraan. Nauso ang online bashing at cyber-bullying.

Ineduka ng teknolohiya ang mundo. Natuto ang tao ng agham. Lumaganap ang katotohanan: may mahirap at dungo, may mayaman at makapangyarihan. Hindi pala kapalaran maging maralita; dinarambong ng iilan ang yaman ng mga bansa.

Pero sinapawan ng opinyon ang katotohanan. May mga naggigiit na flat ang earth at hindi bilog kasi ‘yun ang pananaw nila. May nagkakamkam ng lupa at dagat batay lang sa inimbento nilang kasaysayan. May nang-mamasaker sa paniwalang utos ‘yon ng diyos nila. Katapusan na ba ng katotohanan? Sinasagot ‘yan sa librong “The Assault on Intelligence” ni Gen. Michael Hayden at marami pang awtor.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments