Tagumpay ang ‘Capiztahan’
NAGING matagumpay ang “Capiztahan” na inorganisa ni Capiz Governor Fred “Oto” Castro sa pakikipagtungan ni Roxas City mayor Ronnie Dadivas. Dahil dito, nai-promote ang seafoods products ng lalawigan. Sa ginanap na business forum sa Roxas City, maraming investors ang nagnanais na magtayo ng negosyo sa Capiz. Ang Roxas City ay tinaguriang “seafoods capital of the Philippines”. Dito galing ang mga sariwa at matatabang alimango, sugpo, hipon, talaba, dewal at iba pa.
Malaking bagay ito sa mga Capiznon dahil maraming magkakaroon ng trabaho. At kapag nagkatrabaho ang mga Ilonggo tiyak na uunlad ang kanilang pamumuhay. Noong Abril 17, 2022, nalugmok ang kabuhayan ng mga Capiznon nang manalasa ang Bagyong Agaton at muling sinalanta ng Bagyong Paeng noong Oktubre 31. Milyun-milyon ang ikinalugi ng fishpond raisers dahil sa pag-apaw ng tubig sa kanilang mga palaisdaan. Marami ring palay ang nabulok dahil sa baha. Pero nalugmok man ang kabuhayan at marami ang nagutom, nabigyan naman ito ng pag-asa nang maraming investors ang nakapansin sa mga produkto ng Capiz.
Dumalo sa “Capiztahan” si Vice President Sara Duterte at nasiyahan siya sa masasarap na pagkain ng mga Capiznon.
Ang tagumpay ng “Capiztahan” ay dahil sa pagpupunyagi ni Governor Castro. Dahil sa kanyang pagsisikap, naipakita sa buong bansa at mga dayuhan ang likas na kayamanan ng Capiz.
Nararapat namang pag-ukulan ni Governor ang pupugak-pugak na internet connection sa probinsiya. Bukod sa superbagal, kadalasan ay walang signal. Ngayong advance na ang teknolohiya dapat mabilis ang internet upang mapabilis ang transaksyon ng mga negosyante.
Pag-ukulan din ng pansin ni Governor ang mangasim-ngasim na daloy ng tubig sa isang bayan sa Capiz. Matagal nang problema ito na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.
***
Binabati ko ang bagong PNP chief na si MGen. Benjamin Acorda Jr.
- Latest