Kanya-kanya kaming mga magkababata nu’ng dekada-1960s gumagawa ng sariling laruan. Naaalala ko ang gitara: binutas sa gilid na kahon ng toothpaste at kinabitan ng dalawang rubber band. Madali ang “bubble machine”: dinikdik na bulaklak ng gumamela para kumatas, hinaluan ng konting tubig, sinawsaw ang binilog na manipis na tangkay ng dahon, tapos marahang hinipan para lumobo. Pati bulaklak ng kalachuchi ay alahas: tinusok ang petals sa sariling tangkay, binuklat ito sa dalawa at inipit sa tenga parang hikaw.
Mahirap ang lutu-lutuan: inipit sa dalawang pinagtaling popsicle sticks ang munting babasaging mangkok, pinatong sa apoy sa gitna ng tatlong bato, naglaga ng itlog ng butiki. Natuto kaming mangisda: pinitpit ang talim ng aspili para sima, tinalian ng sinulid sa ulo, pinainan ng pirasong tinapay na binilot para humuli ng gourami sa kanal. Natutong mangaso: pumutol ng nagsangang bayabas, kinabitan ng ginupit na interyor ng gulong, tirador na.
Natutong mamangka: pinagdikit-dikit na 20 popsicle sticks, nakausli ang dalawa sa dulo para kabitan ng rubber band, tapos inikot doon ang kalahating patpat para umandar nang sarili sa batya ng tubig. Nag-ala-Amazon Indians: ibinala ang karayom na binalot ng papel ang kalahati sa tangkay ng dahong-papaya, at sinumpit ang mga langgam. Nag-ala fighter pilot: pataasan, patulinan ng guryon sa dogfight.
Kumplikado ang sailboat: isang metrong trayanggulong tabla, kinabitan ng gulong bawat kanto, tinayuan ng poste (sabitan ng kulambo) at sinampayan ng kumot, para umandar sa ihip ng hangin.
Naglalabanan kami nang cowboys at Indians sa bubong ng garahe. Para hindi ako mabihag, binubuksan ko ang payong na kunwari’y baril at nagpa-parachute sa lupa. Marami akong nasirang payong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).