SA halip na plastic cards, papel muna ang iisyung lisensiya sa mga drayber na kukuha nito at mga magre-renew simula Abril. Ayon sa Land Transportation Office (LTO) nagkaroon umano ng problema sa suplay ng plastic cards. Hanggang katapusan na lang daw ng Abril ang mga plastic cards. Ayon pa sa LTO, ilalaan daw ang mga natitirang plastic cards sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na magre-renew ng kanilang lisensiya.
Pansamantala lang naman daw ang pag-iisyu ng paper licenses dahil sa Hulyo ay magkakaroon na umano ng pondo para pambili ng plastic cards. Ang Department of Transportation (DoTr) umano ang bumibili o nagpo-procure ng plastic cards.
Patuloy daw silang nakikipag-ugnayan sa DoTr tungkol sa procurement process na ginagawa ng tanggapan. Umaasa raw sila sa agarang aksiyon ng DoTR sa pagbili ng plastic cards.
Dahil sa pangyayaring ito, palalawigin ng LTO hanggang Oktubre 31 ang bisa ng drivers licenses na mae-expire simula Abril 24. Hindi raw dapat mangamba ang mga magre-renew ng lisensiya dahil walang sisingiling multa mula sa late renewal.
Ayon naman sa DoTR, ang LTO ang naatrasado sa paghahanda sa proseso ng pagbili. Dumaraan umano sa maraming ang hakbang procurement para matiyak na tama ang pagbili ng plastic cards.
Nagtuturuan pa ngayon ang LTO at DoTr sa nangyayaring kakapusan ng plastic cards. At sa kanilang pagtuturuan ang mga kukuha at magre-renew ng lisensiya ang apektado. Posibleng ang may kasalanan kaya nagkaroon ng kakapusan sa plastic cards ay ang LTO. Sila ang gumagawa ng mga lisensiya kaya alam nila kung hanggang kailan tatagal ang mga plastic. At kung kailan malapit nang maubos ang plastic cards ay saka sila nagkukumahog sa paghingi ng pondo para sa procurement. Akala nila, ganun kabilis ang paghingi ng pondo. At ngayon, minamadali pa nila ang DoTr para mapagtakpan ang kanilang kapalpakan.
At dahil wala nang magawa ang LTO, naisip nilang mag-isyu ng lisensiyang papel. Hindi kaya nila naisip na madaling mapeke ang lisensiyang papel. Kung ang mga mahahalagang dokumento ay napepeke sa Recto, ang papel na lisensiya pa kaya ang hindi mapeke?
Noon pa man, marami nang kapalpakan ang LTO sa pagdedeliber ng serbisyo sa mamamayan. Hanggang ngayon, marami pang plaka ng sasakyan ang hindi nila naidedeliber. Binayaran ng mga motorista ng P400 ang mga bagong plaka noon pang 2010 pero hanggang ngayon, wala. Gaano karaming pera ang napasakamay ng LTO sa mga bagong plaka na hindi naideliber? Kinalimutan na nila. At ngayon, bagong kapalpakan na naman sa papel na lisensiya ang iniaalok nila.