ISANG kaso ito tungkol sa pagbibigay ng daanan o “easement of right of way”. Ang tanong ay kung paano nagkakaroon ng easement at paano ito natatanggal. Ito ang kaso na kinasasangkutan ng mag-asawang Ted at Minda pati ng mag-asawang Ernie at Rita.
Sina Ted at Minda ang may-ari ng limang parselang lupa sa siyudad. Dalawa ang nasa harap ng kalsada at tatlo naman ang nasa likod. Para sa tatlong lupa sa likod ay walang ibang daanan patungo sa national highway kundi ang dalawang parsela sa harap. Kaya ang ginawa nila Ted at Minda ay pinalagyan ng tanda (annotation) ng right of way ang titulo ng mga lupa sa harap.
Hindi nagtagal, umutang sa banko sina Ted at Minda gamit ang kanilang lupang nasa harapan bilang prenda. Nang hindi sila makabayad sa utang ay inilit ng banko ang mga lupa hanggang sa tuluyang maging pag-aari ng banko.
Ang mag-asawang Ernie at Rita naman ang bumili sa lupa mula sa bangko. Nalipat ang titulo ng mga lupa sa kanilang pangalan pero ayaw nilang kilalanin ang annotation. Hindi rin nila pinadaraan ang mag-asawang Ted at Minda para makapunta sa mga lupa sa likuran o para makalabas ang dalawa papunta sa highway.
Kaya ang mag-asawa ay nagsampa ng kaso laban kina Ernie at Rita sa harap ng RTC (Regional Trial Court) para mabigyan sila ng daanan papunta sa national highway. Humingi rin sila ng danyos dahil ayon sa kanila ay karapatan nila ang easement patungo sa highway.
Sa kanilang sagot ay palusot nila Ernie at Rita na walang bisa ang easement na ginawa nina Ted at Minda dahil sila rin ang may-ari ng lupa at ginawa nila ang easement para sa sarili nilang interes. Pero nawala na raw ang easement nang maremata ng banko ang mga lupa. May iba pa naman daw madaraanan ang mag-asawang Ted at Minda patungo sa highway at kung ipipilit nila ang easement ay dapat na magbayad sila para rito.
Matapos magkaroon ng ocular inspection ang korte ay sina Ernie at Rita na mismo ang nagbigay ng isang metrong right of way sa bandang kanlurang silangan ng lupa. Pero ang gusto nila ay bayaran ito sa kanila at hindi sila pipirma ng kasunduan hanggang hindi ito naaayos.
Ayon sa korte, nawalang halaga ang usapin sa easement nang sila Ernie at Rita na mismo ang kusang nagbigay ng right of way sa kabilang bahagi ng lupa na hiwalay sa lugar kung saan nakasaad ang easement. Kaya gumawa ang korte ng desisyon na bigyan sila ng right of way sa ibang bahagi.
Inapela nina Ernie at Rita ang usapin sa Court of Appeals. Itinanggi nila na nagkaroon ng easement o right of way sa harap na bahagi ng lupa. Ang napag-usapan lang daw ay hindi muna nila gagalawin ang isang metrong bahagi ng lupa dahil iniisip nila na magkakaroon na sila ng kasunduan o settlement pero hindi naman ito natuloy.
Nagdesisyon ang CA pabor kina Ernie at Rita, kaya nabaliktad ang desisyon ng RTC pabor kina Ted at Minda, tuloy nabasura na din ang reklamo nila. Ang nangyari tuloy ay sina Ted at Minda ang umapela sa Supreme Court. Ipinipilit nila na legal ang easement alinsunod sa Art. 624 ng Civil Code dahil nang ginawa ang tanda o annotation ay hindi pa ito nabura o nakansela. Bilang dating may-ari rin daw ay karapatan nila noon na gawin ang easement sa porma at paraan na gusto nila.
Pinaboran ng SC ang mag-asawang Ted at Minda kaya nabaliktad ang hatol ng CA. Ayon sa SC ay umiiral ang easement alinsunod sa batas (Art. 624-Civil Code). Ginawa nila Ted at Minda ang easement sa harapan na lupa at kumuha ng isang bahagi para maging daanan patungo sa likurang lupa.
Nang maremata ang lupa ay hindi tumutol ang bangko sa easement at annotation. Kaya nang ibenta ang lupa kina Ernie at Rita ay taglay pa rin nito ang dating annotation. Ang daanan at annotation ang nagsisilbing titulo at katibayan ng karapatan sa easement. Hindi ibibigay ito sa mag-asawa kung sakali at kanselado na ang annotation. Ibang usapin din sana kung bago binigyan ng titulo sina Ernie at Rita ay kinansela muna ang annotation.
Kaya malinaw na alam nila ang umiiral na easement nang ilipat sa kanila ang titulo. Sa kabila nito ay binili pa rin nila ang lupa at hindi nagprotesta sa easement. Kaya legal at may bisa ang right of way na dapat kilalanin ng mag-asawang Ernie at Rita (Spouses Fernandez vs. Spouses Delfin, G.R. 227917, March 17, 2021).