EDITORYAL - Patuloy ang salot na e-sabong
HINDI tumitigil sa operasyon ang salot na e-sabong at lalo pang lumalala. Marami pang sinisirang buhay ang sugal na ito sa kabila na nag-isyu na si President Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order No. 9 noong nakaraang Enero.
Sa EO, ipinag-utos ni Marcos na arestuhin ang nag-o-operate ng e-sabong. Nakasaad din sa EO ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches.
Inatasan din ang PAGCOR na makipag-coordinate sa local government units at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng kautusan. Ang kautusan ay pagpapalakas sa dati nang utos ni dating President Duterte na pagsuspende sa e-sabong noong Mayo 2022.
Pero walang natakot sa EO ni Marcos at bagkus, naging talamak pa nga. Sa Negros Oriental, patuloy ang e-sabong at mismong si Pamplona Mayor Degamo (biyuda ng pinaslang na Negros Oriental Roel Degamo) na patuloy ang e-sabong sa kanilang probinsiya at sangkot umano rito ang buong pamilya ni Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Governor Degamo noong Marso 4 na mariin namang itinanggi ng kongresista. Pinasok ng sandatahang lalaki ang bahay ni Degamo at pinagbabaril ito habang namamahagi ng ayuda. Hindi pa bumabalik sa bansa si Teves.
Sa Senate hearing noong Martes, ipinag-utos ni Sen. Ronald dela Rosa na arestuhin, hindi lamang ang operator ng e-sabong sa Negros Oriental kundi sa buong bansa. Sabi ni Dela Rosa hindi lamang pala patayan ang namamayani sa Negros Oriental kundi pati ang e-sabong na sinuspende na noon pa ni dating President Duterte.
Sinuspende ang e-sabong dahil sa masamang dulot sa buhay ng mga Pilipino kung saan marami ang gumagawa nang masama para matustusan ang bisyo. Dahil sa pagkalulong dito, may ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong. Isang pulis ang nagnakaw sa isang hardware store para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. Maraming OFWs ang umuwi sa bansa na lubog sa utang dahil sa pagkatalo sa e-sabong. May mga nagpapakamatay dahil sa malaking problemang dulot ng e-sabong. Marami na ring nawalang sabungeros dahil sa salot na e-sabong.
May direktiba na sa PNP na arestuhin ang operators ng e-sabong pero wala ring nangyayari. Natatapalan ng pera ang mga pulis kaya hindi naipatutupad ang batas. Paano mawawala ang e-sabong kung ganito kasama ang Sistema sa bansa?
- Latest