^

PSN Opinyon

Ang papel ng kababaihan sa pagtataguyod ng kapayapaan

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Ang papel ng kababaihan sa pagtataguyod ng kapayapaan
Ang isinagawang National Consultation ng PEACE-NAPWPS, kabilang ang Oxfam Pilipinas at ibang mga organisasyon na siyang nagpapalakas sa boses ng mga kababaihan at iba pang mga sektor na apektado ng mga giyera.

Lagi nating naririnig ang mga salitang “kapayapaan at seguridad” bilang ilan sa mga pinakamahahalagang isyu sa bansa. Para makamit natin ang mga ito, kailangan ang tulong ng lahat ng sektor, kabilang na ang vulnerable groups na tulad ng mga kababaihan at kabataan.

Sa ilang dekada ko na bilang mamamahayag, nasasaksihan ko kung paanong paulit-ulit na nagiging biktima ng karahasan –  pisikal at sekswal – ang mga kababaihan  na naiipit sa mga armadong labanan. Nakikita ko mismo ang mga epekto ng karahasan sa vulnerable areas sa ating bansa. Nababatid ko rin ang karanasan ng ating mga kapatid na Muslim sa Mindanao sa mga pag-atake at labanan na talagang nakasasama sa seguridad at kapakanan ng mga kababaihan at mga bata sa komunidad. 

Sa aking Pamilya Talk episode kamakailan, nakausap ko ang ilang iginagalang na kababaihan na nangunguna sa laban para sa gender-responsive, culture-senstive, inclusive, and socially-accountable national agenda para sa kababaihan, kapayapaan, at seguridad. Sa aming panayam, napag-usapan namin ang mga hinaharap na pagsubok ng vulnerable sectors sa ating lipunan at kung ano ang ginagawa ng kanilang mga organisasyon upang mas maisulong ang kapayapaan at panlipunang paghilom. 

Sa loob ng mahigit 30 taon, ang Oxfam Pilipinas ay matagal nang nagsasagawa ng mga programang nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino, anuman ang kanilang kasarian, habang iniaangat din ang kalidad ng buhay ng mga kapus-palad.  Ayon sa executive director nito na si Erica Geronimo. “Oxfam’s vision is a world where everyone’s future is equal, where every citizen enjoys their rights and is empowered to influence decisions that affect them.” 

Bagamat may mga hakbang nang ginagawa para sa pagkamit ng gender justice (o ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan sa lahat ng bagay), nananatili pa rin itong mailap sa nakararami, sabi ni Geronimo. “Marami pa ring inequalities, kaya mahalagang- mahalaga na pinapantay natin ang boses at interes ng mga kababaihan at ibang vulnerable at marginalized groups sa civic space,” dagdag niya. “[Mahalaga ito] sa paglalatag ng policies, laws at governance na nakakaapekto sa kanila.”

Oxfam Pilipinas, kasama ang iba’t ibang women’s right groups at si Atty. Lanang Ali, Majority Floor Leader ng Bangsamoro Parliament, sa kanilang pulong ukol sa Bangsamoro Electoral Code.

Kaya naman ang Oxfam ay tumutulong din sa pagbibigay ng training sa mga kababaihan para sila ay mas matuto at masanay, lalo na pagdating sa governance o pakikilahok sa pamamalakad ng pamahalaan para maisulong ang kanilang agenda at kapakanan. 


Ayon kay Noraida Abo, executive director ng United Youth of the Philippines-Women (UnYPhil-Women), mahalaga ang papel ng mga kababaihan sa pagsusulong ng kapayapaan. Sila ang nagpapataas ng kamalayan ng publiko ukol sa karahasan o gender-based violence, at nagpapalakas sa kolaborasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at iba pang mga kumikilos para sa kapayapaan. Sa gitna ng mga armadong labanan, tumutulong ang mga kababaihan sa Early Warning & Early Response Mechanism (EWER) para rumesponde at magbigay ng dokumentadong mga kaso ng gender-based violence. 

Gayunpaman, patuloy pa rin ang paglaganap ng “culture of silence.” Sa halip na magsalita, napipilitang manahimik ang mga inaabusong sector, sabi ni Abo.  Ang structural violence o kawalan ng katarungan sa lipunan, ang nagdudulot ng diskriminasyon at humahadlang sa pagsulong sa kapakanan ng mga kababaihan at kabataan sa mga komunidad. 

Lumahok ang nasa 25 na opisyal mula Rajah Buayan, Maguindanao sa workshop kung paano mapapanatili ang seguridad ng mga kababaihan sa mga kalamidad at armadong labanan.

Ang Gaston Z. Ortigas Peace Intitute na itinatag noong 1991 ang tumutulong sa pagtitiyak na may boses ang mga ordinaryong mamamayan sa mga proseso at negosasyon tungkol sa kapayapaan, ayon sa executive director nito na si Karen Tañada. Sinisiguro ng grupo na may sapat na mga patakaran upang masolusyunan ang tinatawag na “drivers of conflict” tulad ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at diskriminasyon. “Sa tingin namin, hindi lang dapat gobyerno, hindi lang armed parties tulad ng CPP-NPA or MILF ang dapat na nag-uusap at naririnig, kundi pati ang mamamayan,” dagdag pa niya. 

Ayon kay Tañada, marami nang nagawa ang mga Pilipina para maitaguyod at mapanatili ang kapayapaan. Sa katunayan, si Miriam Coronel-Ferrer ang unang babaeng pumirma sa isang major peace negotiation. Dagdag pa niya, ang mga babae ay kabilang na ngayon sa mga MILF peace panel. 

Ang Philippine Comission on Women (PCW) ay gumagawa ng mga patakaran na sumisiguro sa pagkakapantay-pantay at kaligtasan ng kababaihan. “Sinisiguro rin namin na ang mga kababaihan ay may meaningful na participation dito dahil sila ang equally naaapektuhan kapag may kaguluhan at giyera,” sabi ni PCW Deputy Executive Director for Operations, Maria Kristine Josefina Balmes.

Ang konsultasyon tungkol sa implementasyon ng 2017-2022 National Action Plan on Women, Peace and Security (NAPWPS).

Ang PCW ay responsable sa pagibibigay ng tulong-teknikal at pagsubaybay sa mga programa ng kababaihan, kapayapaan, at seguridad para sa mga miyembro ng National Action Plan on Women, Peace and Security (NAPWPS). Sila rin ang nagbibigay sa mga ahensiya ng capacity development training on gender-sensitive conflict analysis. 

Samantala, ang misyon ng Teach Peace, Build Peace Movement ay gawing peace hero ang bawat batang Pilipino, sabi ni Bai Rohaniza Sumndad-Usman, founder ng grupo. Ayon sa kanya, 60% hanggang 70% ng mga apektado ng armadong labanan ay mga bata. “If we want a peaceful nation, we must invest in a culture of peace in the hearts and minds of our children and youth… and a big part of the investment should be on girls and young women.” Nakikita ng grupo ang isang payapang lipunan kung saan ang mas nakababatang henerasyon mula sa iba’t ibang relihiyon ang siyang magkakaisa para sama-samang isulong ang kapayapaan. 

Ayon kay Geronimo, ang hamon ay para sa lahat -- kasama na ang vulnerable groups --  na magtulungan, bumuo ng kanilang adhikain, at lakasan ang kanilang mga boses. “Dapat iyon ay tuluy-tuloy. Dahil karapatan nyo na i-demand ang iyong rights in any political environment,” pagdiin niya.

Kasama ako sa pagtindig para sa kapakanan ng mga kababaihan, lalo na yung mga naiipit at nagdurusa dahil sa labanan. Ang mga babae ay may karapatan na magkaroon ng espasyo kung saan maaabot nila ang kanilang buong kapasidad at kung saan makasasali sila sa pamamahala ng lipunan at komunidad, lalo na patungkol sa kapayapaan.

----

Panoorin ang Pamilya Talk sa FacebookYouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa [email protected].

WOMEN EMPOWERMENT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with