HALOS linggu-linggo na lamang ay may nakukumpiskang agricultural products—bigas, asukal, frozen na karneng baboy, manok at pusit, prutas, carrots, sibuyas, bawang at iba pa. Sa kabila na may batas na nagpaparusa sa mga smugglers ng agri products, hindi na ito pinapansin at patuloy ang pagpasok ng mga kontrabando. Kung naging mabangis ang smugglers noong nakaraang taon, mas matindi ngayon sapagkat linggu-linggo ang pagdating ng mga puslit na produktong agrikultural. Hindi na kinasisindakan ang Republic Act 10845 (Anti-Agri Smuggling Act)
Noong Lunes, may naaamoy na naman ang Bureau of Customs (BoC) na mga puslit na agricultural products at kanilang sinalakay ang mga bodegang pinagdalhan ng mga agri products. Anim na bodega ang sinalakay ng BoC. Ang mga bodega ay nasa Maynila, Caloocan at Navotas. Nakumpiska ang agri products na nagkakahalaga ng P150 milyon.
Bilyong piso ang nawawala sa pamahalaan dahil sa smuggling ng agri products. Ang perang dapat ay mapupunta sa kaban ng bansa ay napupunta lamang sa mga corrupt na kakutsaba ng mga smugglers. Malakas ang paniwala na kaya malakas ang loob ng smugglers ay dahil mayroon silang “kinakapitan” na malalaking tao. Hindi sila mag-i-smuggle kung walang “padrino”.
Sa rami na ng nangyaring smuggling, wala pang napaparusahang agri smugglers. Nagpapakita lamang na walang ngipin ang batas sa anti-smuggling. Pasok nang pasok ang bigas, sibuyas, asukal at marami pa. Malaki na ang nawawala sa kaban ng pamahalaan dahil sa hindi maampat na smuggling ng agri products.
Maski si Sen. Cynthia Villar ay nagtataka na wala ni isa mang agri smugglers ang naitatapon sa kulungan. Sabi pa ni Villar, chairman ng Senate agriculture committee, mula raw nang pamunuan niya ang komite noong 2013, wala ni isa mang smugglers na naipakulong. Suhestiyon niya ay palakasin ang Anti-Agri Smuggling Act. Dagdagan daw ang multa ng mga mapapatunayang nag-i-smuggle ng agri products. Kung hindi raw ganito ang gagawin, magpapatuloy ang smuggling ng mga produktong agrikultura.
Ipinasa ang Anti-Agricultural Smuggling Act noong 2016. Nakasaad sa batas na ang malawakang pag-i-smuggle ng agricultural products ay pananabotahe sa ekonomiya ng bansa at may katumbas na mabigat na kaparusahan at multa sa mga gagawa nito.
Subalit anim na taon na ang nakalilipas mula nang likhain ang batas, walang naparusahan. Naging talamak ang agri smuggling at lahat ng produktong agrikultura ay naipasok sa bansa. Ang kawawa ay mga lokal na magsasaka.