ITINUTURING natin na isang matibay at mahalagang haligi ng ekonomiya ang ating micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Kaya naman sa Quezon City, prayoridad natin ang pagsusulong ng kanilang kapakanan at gawing mas madali ang proseso sa kanilang pagnenegosyo.
Nabatid natin na marami sa kanila, nahihirapan sa pagsunod sa mga requirements sa pagkuha ng permit, certification at iba pang dokumento para sa kanilang negosyo, lalo na iyong may kinalaman sa pagkain, gamot o cosmetic products.
Ito ang dahilan kaya minabuti ng Lungsod Quezon na pumasok sa isang kasunduan sa Food and Drug Administration (FDA) para mapadali ang proseso ng pagpaparehistro at pag-a-apply ng mahahalagang dokumento.
Sa ilalim ng MOA para sa Bigyang-Halaga, Bangon, Micro, Small, and Medium Enterprises (BBMSME) program na aming pinirmahan ni FDA Director-General Samuel Zacate, mabibigyan ng karampatang tulong ang ating MSMEs sa kanilang pangangailangan sa FDA.
Sa kasunduang ito, magbibigay ang FDA ng technical assistance, training ukol regulatory compliance, product registration, at marami pang iba.
Sa tulong din nito, mas mabilis na ang proseso ng pagpaparehistro para sa ating Qcitizens na MSMEs at mas madali na silang makasusunod sa regulasyon ng FDA.
Tiwala kami ni Director-General Zacate na magreresulta ang kasunduang ito sa paglikha ng mga bagong trabaho, pagpapalakas ng produksiyon at pagpapaganda ng buhay ng ating Qcitizens.
Bukod pa kasunduang ito, ang Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO), sa pamumuno ni Mona Celine Yap, ay nagsasagawa rin ng iba’t ibang programa at proyekto para sa MSMEs.
Nakatakda nang simulan ng SBDCPO ang Q-Certified program na magbiiibigay ng tulong sa ating MSMEs para makakuha ng sertipikasyon at sa pagpaparehistro sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ang SBDCPO ay isa sa mga ahensiya ng pamahalaang lungsod na nakatutok sa paglago ng ating micro at small enterprises sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dagdag na puhunan at pagtulong sa pagproseso ng kailangang mga permit.