Kailangan ng tutugis sa ransomware hackers
MGA ospital ang paboritong biktimahin ng ransomware. Marami kasing maseselang impormasyon ng mga pasyente at gamot sa computer database nila. Pinapasok ng hackers ang servers at ine-encrypt ang laman na impormasyon. Hindi ito maa-access; magda-down ang sistema. Dahil maraming emergency at bingit-buhay na procedures, dapat ma-ransom agad ang binihag na database. Nagbabayad ang ospital nang malaking halaga sa hackers para i-decrypt ito. Umaabot nang daang characters ang decryption code na binabayaran ng crypto-currency.
Malimit ding biktimahin ng hackers for ransom ang mga national health agencies, bangko, social security, passporting, driving license at credit card companies. Nililihim ng mga kumpanyang ‘yan sa Americas at Europe ang pagbabayad dahil magagalit at mawawalan ng tiwala sa kanila ang publiko. Sa Pilipinas, bago nu’ng 2016 elections, na-hack ang database ng Comelec. Pinaskel ng hackers online ang impormasyon tungkol sa mga botanteng overseas workers.
May grupong nabuo sa United States ng mga boluntaryong computer experts na lumalaban sa ransomware. Karamihan sa kanila’y ayaw magpakilala, hindi nagpapabayad, bagamat buwisit sa mga ingratong hindi man lang magpasalamat sa pagsalba nila sa kinidnap na database. Tinampok sila sa librong “The Ransomware Hunting Team” nina mamamahayag Renee Dudley at Daniel Golden.
Karaniwa’y hustisya ang habol ng team members. Tinutugis nila ang hackers online para mahuli at makulong. Mahirap ang trabaho: Kung minsan mga hackers mismo ang tumutulong sa kanila. Sari-sari ang motibo. Merong nakokonsensiya kaya sumasapi sa hunters. Merong nagpapasiklab ng galing sa computers. Merong naghihiganti dahil sinuba ng mga kasapakat. Meron ding gustong wasakin ang mga karibal.
Maraming mabubuting-loob na Pilipinong computer experts. Sana tugisin nila ang ransom hackers at mandaraya sa automated elections.
- Latest