Nahuli ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ang miyembro nila na si MSgt, Rodolfo Mayo noong Oktubre 8, 2022 sa Tondo, Maynila at nakumpiska rito ang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Si Mayo ay dati nang kasama sa drug list ni dating President Duterte at ipinatapon sa Mindanao noong 2017. Subalit marami ang nagtaka kung bakit nakabalik ito sa dating puwesto sa PDEG na dating pinamumunuan ni Brigadier General Narciso Domingo.
Nang maaresto si Mayo, galak na galak si Interior Sec. Benhur Abalos at agad nagpa-presscon at iniulat ang aniya’y pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng PNP. Gimbal si Abalos sa halos isang toneladang shabu na nakuha sa sarhentong si Mayo. Pinuri ni Abalos ang mga nakahuli kay Mayo.
Ang pagkaaresto kay Mayo ang naging daan para hilingin ni Abalos kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na pagsumitehin ng “courtesy resignation” ang mga matataas na opisyal ng PNP. Maraming tumalima sa panawagan. Isasailalim umano sa pagsusuri ng 5-man team ang mga nagbitiw na opisyales. Lumipas pa ang ilang buwan pero wala pang nilalabas na resulta ang ginawang pagsusuri sa mga nagbitiw na opisyal.
Noong isang araw, inihayag ni Abalos ang pagkakadawit ng 10 PDEG officials sa umano’y “coverup” ng nakumpiskang 990 kilo ng shabu kay Mayo. Ang mga police officials na pinangalanan ni Abalos ay sina Lt. Gen. Benjamin Santos, Brig. Gen. Narciso Domingo, Col. Julian Olonan, Capt. Jonathan Sosongco, Lt. Col. Arnulfo Ibañez, Major Michael Angelo Salmingo, Lt. Col. Glenn Gonzales, Lt. Ashrap Amerol, Lt. Col. Larry Lorenzo at Capt. Randolph Piñon. Hiniling ni Abalos sa mga opisyales na mag-take leave ang mga ito.
Sumunod na araw, sinibak na si Domingo sa puwesto at ipinalit sa kanya si Brig. General Antonio Olaguera. Inilipat si Domingo sa Office of the Chief PNP (OCPNP).
Malayo na ang naabot ng kasong ito na nag-ugat sa sarhentong si Mayo. Pero ang nakapagtataka, wala ni isa man lang report kung saan nakuha ni Mayo ang 990 kilos ng shabu. Sa ranggo niyang sarhento, makakaya ba niyang kumuha ng ganito karaming shabu?
Bakit naman hindi nag-effort si Abalos na saliksikin kung saan galing ang shabu at nagpokus lang siya sa pagsibak (o paglipat) sa mga sangkot na PDEG officials. Sa pagkakalipat ng mga opisyales, tiyak nang wala nang kahahantungan ang nakumpiskang 990 kilos ng shabu. Sarado na ang kaso na hindi nalaman kung saan ito nanggaling.