“MARUMI” ang New Bilibid Prison (NBP). Marumias in maraming nangyayaring korapsiyon na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal, empleyado at mga guwardiya mismo. Ang karumihan ng NBP ay hindi na lingid sa kaalaman ng mamamayan sapagkat noon pa man, laman ng balita ang mga nangyayari sa NBP.
Kapag may pera ang nakakulong sa NBP, maayos ang kanyang kalagayan sa loob na parang nasa laya rin siya. Mistulang nasa hotel na kumpleto sa gamit —may kama, sariling CR at mayroon pang bar na may iba’t ibang klase ng alak. Ang iba, puwedeng mag-request ng babae. Mayroon pang nakakalabas para bisitahin ang negosyo niya sa Makati.
Ang pinakamatindi, dahil kakutsaba ang corrupt na mga guwardiya, naipapasok ang droga, cell phone, alak, pera, money counting machine, patalim at marami pang iba.
Habang maraming maykayang bilanggo ang nagbubuhay-hari, marami namang bilanggong mahihirap ang nagtitiis sa siksikang selda na halinhinan kung matulog. Salat din sila sa pagkain sapagkat ang food allowance nila ay kinukupit ng mga corrupt na opisyal ng Bureau of Correction (BuCor). Marami rin sa kanila ang nagdaranas ng pananakit mula sa mga abusadong opisyal ng BuCor.
Ngayon, ipinangako ng bagong BuCor Director na si General Gregorio Catapang Jr. na puspusang paglilinis ang isasagawa niya sa tanggapang pinamumunuan. Itinalagang director si Catapang noong nakaraang linggo ni President Ferdinand Marcos Jr. kapalit nang sinibak na si Gerald Bantag na iniuugnay sa pagpatay sa broadcast journalist na si Percy Lapid noong nakaraang taon.
Unang pinatupad ni Catapang sa paglilinis sa NBP ay ang pagsibak sa puwesto ng 700 prison guards na nakatalaga sa maximum security compound. Sasailalim sa training ang mga sinibak. Ayon kay Catapang, ang mga sinibak na guards ay pumipirma lamang sa attendance at hindi nagdu-duty. Nadiskubre rin sa mga locker ng guards ang malalaking halaga ng pera at ibang kontrabando. Natuklasan din ni Catapang na binabaliktad ng guards ang mga CCTV sa paligid ng compound. Itinalaga ni Catapang si CSInsp Purificacion P. Hari kapalit ni C/CInsp Lucio C. Guevarra.
Nagsimula na ang paglilinis sa maruming Bilibid. Marami na ring naging BuCor director ang nangako ng pagbabago sa NBP pero iba ang estilo ni Catapang. Harinawa na magtagumpay ang kanyang mga planong pagbabago sa Bilibid. Hindi sana ito matulad ng iba na nauwi sa ningas kugon.