ILLEGAL na droga ang sumisira sa Philippine National Police (PNP). Sa halip na mapigilan ang paglaganap ng illegal na droga, partikular ang shabu, lalo pang bumigat ang problema. Mga pulis mismo ang sangkot sa pagpapakalat ng shabu. Maraming pulis ang sangkot sa drug recycling. Ang nakumpiska nilang shabu ay hindi isusumite para gawing ebidensiya, sa halip itatago at saka ibebenta. Ibabalik muli sa kalye at pagkakakitaan nang malaki. Kaya walang paglutas sa problema sa droga sapagkat mismong ang mga nagpapatupad ng batas ang nagre-recycle ng droga. Paano mahuhuli ang mga nagpapakalat ng droga gayung ang mga inatasang huhuli ang nagpapakalat ng droga.
Lalo pang lumubha ang problema sa droga nang itatag ng PNP ang Philippine Drug Enforcement Group (PDEG). Mga tauhan ng PDEG ang nasasangkot sa illegal drug trade. Nagkaroon sila ng lisensiya para walang habas na magdeliber at mag-transport ng shabu.
Isang halimbawa ay nang maaresto si MSgt. Rodolfo Mayo ng PDEG noong Oktubre 6, 2022 sa Maynila habang itina-transport ang 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Si Mayo ay tinaguriang “ninja cop” at pinangalanan ni dating President Duterte noong 2017. Ipinatapon siya sa Mindanao pero nakapagtatakang naibalik sa PDEG noong 2021. Ang pagkakakumpiska ng 1-toneladang shabu kay Mayo ang itinuturing na pinakamalaking “huli” sa kasaysayan. Ang pagkakadakip din kay Mayo ang naging daan para hilingin ni DILG Sec. Benhur Abalos kay PNP chief Rodolfo Azurin na pagsumitehin ng “courtesy resignation” ang mga ranking police officials.
Noong Lunes, inihayag ni Abalos ang pangalan ng mga police officials na sangkot sa illegal drugs operation ni Mayo. Una nang sinabi ni Abalos na hindi makakakilos si Mayo kung walang sangkot na matataas na police officials. Kinuwestiyon din niya ang paraan nang pagkakaaresto kay Mayo base sa mga kuha sa CCTV gaya nang pag-aalis sa posas nito.
Ang police officials ay sina Lt.Gen. Benjamin Santos, Brig. Gen. Narciso Domingo, Col. Julian Olonan, Capt. Jonathan Sosongco, Lt. Col. Arnulfo Ibañez, Major Michael Angelo Salmingo, Lt. Col. Glenn Gonzales, Lt. Ashrap Amerol, Lt. Col. Larry Lorenzo at Capt. Randolph Piñon.
Bagsak na naman ang PNP sa pangyayaring ito na mga matataas na opisyal ng PDEG ang sangkot sa illegal drugs. Isa sa mga dapat gawin ni Abalos at ni PNP chief Azurin ay buwagin ang PDEG. Hindi na kailangan ang PDEG na naging lungga lamang ng mga pulis na gahaman sa perang nagmula sa shabu.